
Bagong MILG Provincial Director ng MDN, Pormal nang Nanumpa sa Tungkulin

COTABATO CITY (Ika-5 Ng Pebrero, 2024) — Malugod na tinanggap ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Norte ang bagong itinalagang Provincial Director ng Ministry of Interior and Local Government (MILG) na si Tarhata Balading noong ika-3 Ng Pebrero sa Provincial Satellite Office sa Lungsod ng Cotabato.
Kinilala ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua ang dedikasyon ng papalitang Provincial Director na si Engr. Amina Dalandag, PhD, sa mga naiambag nito sa lalawigan.
Samantala, ipinahayag din ni Gob Sam ang kanyang buong tiwala at suporta sa bagong Provincial Director ng lalawigan.
Sa pormal na turnover ceremony, opisyal na ibinigay ni PD Dalandag ang mahahalagang dokumento ng MILG at ang “key of responsibility” kay PD Balading bilang simbolo ng pagsasalin ng tungkulin.
Ibinahagi ni PD Balading ang kanyang naging paglalakbay sa ministeryo at ipinahatid ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng dumalo. Hinihikayat din niya ang buong kawani ng MILG at ang mga opisyales ng lalawigan na magkaisa at magtulungan para sa isang Premier Maguindanao del Norte.
Dinaluhan ang seremonya ng MILG Operations and Management Services Director Fausiah Romancap-Abdula, PCOL Eleuterio M. Ricardo Jr., Assistant Provincial Director EnP Heria Dalantay, PhD, mga Municipal Local Government Operation Officers (MLGOO), at mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)