
MTIT, MAFAR Sinuportahan ang Programa sa Halal Industry

COTABATO CITY (Ika-6 ng Pebrero, 2025)—Isinagawa ang isang mahalagang pagpupulong noong ika-3 Ng Pebrero, sa inisyatibo ni MP Atty. Suharto “Teng” Ambolodto kasama ang Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) at Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR). Ang pulong ay isinagawa upang suportahan ang Magungaya sa Langgapan Farmers and Fisherfolks Marketing Cooperative, isang kooperatibang nakatuon sa pagbuo at pagpapalakas ng halal food production sa Bangsamoro.
Ang kooperatiba ay nakatutok sa produksyon ng mga halal na pagkain gaya ng dalag (mudfish), kagikit na manok, tinapayan, at langis ng niyog, na hindi lamang nagbibigay ng oportunidad sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda kundi tumutugon din sa pangangailangan ng halal market sa rehiyon.
Ayon sa mga opisyal, isang mahalagang hakbang ang pagpapaunlad ng halal industry sa BARMM. Sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga halal hubs at ecozones, pagsasaayos ng regulasyon, at pagbibigay ng pagsasanay sa mga lokal na prodyuser, mas mapapalakas ang produksyon at distribusyon ng halal na pagkain hindi lamang sa lokal na pamilihan kundi maging sa pandaigdigang merkado.
Bukod dito, binibigyang-diin din ang estratehikong lokasyon ng Bangsamoro sa loob ng BIMP-EAGA trade corridor, na nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa pakikipagkalakalan sa mga bansang Malaysia. Sa patuloy na pagsuporta ng Bangsamoro government at pakikipagtulungan sa Malaysia, isang kinikilalang lider sa halal industry, mas mapapalawak pa ang merkado para sa mga halal na produkto mula sa rehiyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)