
PWDs sa Cotabato City, Tumanggap ng Tulong-Pinansyal mula sa MSSD

COTABATO CITY (Ika-13 ng Enero, 2025) – Mahigit 500 Persons with Disabilities (PWDs) mula sa 10 barangay sa Cotabato City ang nakatanggap ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Kalinga para sa may Kapansanan Program ng Ministry of Social Services and Development (MSSD), bilang bahagi ng layunin ng Bangsamoro Government na tugunan ang pangangailangan ng mga sektor na higit na nangangailangan.
Ang distribusyon ng tulong-pinansyal ay isinagawa nitong Enero 10, 2025, sa People’s Palace Lobby, na kung saan bawat benepisyaryo ay tumanggap ng PHP 3,000 na katumbas ng PHP 500 buwanang subsidiya sa loob ng anim (6) na buwan.
Ayon kay Hasim M. Guiamil, MSSD Program and Operation Services Director II, ang programa ay layong maibsan ang hirap na nararanasan ng mga may kapansanan. “The Kalinga para sa may Kapansanan Program of the Bangsamoro Government, through MSSD, aims to alleviate the hardships of our PWD brothers and sisters and make them feel that we will never leave them behind. The Bangsamoro Government stands with you in every challenge of life,” wika ni Guiamil.
Samantala, batay sa tala ng MSSD, 2,237 indigent PWDs sa lungsod ang napatunayang kwalipikado para sa programa. Nagpapatuloy naman ang distribusyon ng tulong-pinansyal para sa iba pang barangay ngayong araw, Enero 13 at magtatapos sa Enero 14, 2025, upang matiyak na makarating ang tulong sa lahat ng benepisyaryo.
Ang Kalinga para sa may Kapansanan Program ay nagbibigay ng PhP500 buwanang tulong para sa mga PWDs bilang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)