
BIAF-MILF sa Camp Abubakar, Dumagsa sa Voter’s Education Roll-out ng BMN

COTABATO CITY (Ika-12 ng Enero, 2025) — Mahigit 2,000 miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kanilang pamilya ang dumalo sa Community Roll-out Voter’s Education na isinagawa ng Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc. sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections, Bangsamoro Parliament, Bangsamoro Information Office sa suporta ng The Asia Foundation (TAF) at tulong pinansyal ng UK Government at British Embassy Manila.
Ang programa ay ginanap noong Sabado, ika-11 ng Enero, sa Abubakar Siddique Elementary School, Barangay Togaig, Barira, Maguindanao del Norte na karamihang dumalo ay mga kababaihan sa Camp Abubakar.
Ikinagalak ni Cathelyn Hakim, Principal ng nasabing paaralan, ang pagpili sa kanilang paaralan bilang lugar ng mahalagang aktibidad. “Alhamdulillah, we are all honored na dito po na-held ang ganitong program… It is an honor to us to be the venue of this event,” aniya.
Nagbigay rin ng mensahe ng suporta si Shuaib Adam, kinatawan ni Abdulkudos “Jimmy” Balintok na syang Based Commander ng General Headquarters ng BIAF sa Camp Abubakar na binigyan diin ang kahalagahan ng tamang pagboto bilang paraan ng pagpapahayag ng kagustuhan ng komunidad sa Bangsamoro.
“Maiukit tanu sa ukit a sistema a kap’mboto, kagya nya den aya nyataban nu goberno na ya bun mga process o mga ukit a kap’dt’ndu tanu kanu mga leader tanu na pakawkit bun sa kamboto, ibamandu niral r’kitanu su ukit a di ka disqualify nu boto tanu anggu su ukit a ma counted su boto tanu as community Bangsamoro,” pahayag ni Adam sa wikang Iranian.
Samantala, ipinaliwanag ni Misuari “Jake” Abdullah, ang Project Officer ng The Asia Foundation ang layunin ng programa. Aniya, binuo ang inisyatibo upang mapunan ang kakulangan ng impormasyon sa pagitan ng Bangsamoro Government at ng mga tao sa komunidad, lalo na sa paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary election sa 2025.
“Ito ay tugon sa disconnect na nararamdaman ng mga tao sa grassroots level patungo sa Regional Government,” aniya.
Ayon kay Faydiyah Akmad, Executive Director ng BMN, ang voter’s education ay bahagi ng paghahanda ng BIAF combatants at kanilang pamilya sa makasaysayang halalan.
“Ang Bangsamoro Government ay mayroon syang hangarin na makapagbigay o makapagbatid ng isang moral governance, at ito ay maisagawa ang isang moral responsibility to educate the people,”
mensahe nito sa mga lumahok sa voters education campaign.
Binigyang-diin din ni Akmad ang mahalagang papel ng COMELEC at BARMM Government sa proyektong ito bilang bahagi ng normalization process na nakapaloob sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Ipinaalala naman ni Datuan Magon Jr. ng Joint Communication Committee o JCC ng MILF Peace Implementing Panel at Joint Normalization Committee (JNC) ang transisyon ng Bangsamoro mula sa armadong pakikibaka patungo sa demokratikong pamamahala.
“Ang continuation ng struggle ay nasa balota na ngayon, yung lahat ng mga aspirations natin…gradually dito natin ma iimplement kapag nagtagumpay tayo sa kay BARMM, yung moral governance na sinasabi natin dito yan sa democratic kaya dapat lahat ng taga UBJP, lahat ng MILF ay may register,” ani Magon.
Samantala, tinalakay ni Johaira Sahidala mula sa Bangsamoro Information Office (BIO) ang layunin ng Halalang Bangsamoro na isulong ang inclusivity, transparency, at moral governance.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Magasuga Dandamun ng Bangsamoro Parliament ang Bangsamoro Electoral System, habang ipinakita ni Jeofrew O. Lala ng COMELEC ang proseso ng paggamit ng Automated Counting Machine (ACM) upang masiguro ang integridad ng halalan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kahahok na maranasan ang pagsagawa ng pagboto gamit ang balota, maipasok ito sa ACM at matiyak na gumagana ng maayos kahit na walang kuryente sa mga lugar na pagdausan ng eleksyon.
Nangako naman ang PNP Barira ng suporta upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa eleksyon. Hinahangad namin ang kooperasyon ng bawat isa kasi kailangan natin maging payapa at walang maging failure of election, ito po ang hinihingi namin sa bayan ng Barira, kailangan po natin sundin ang batas…,” ayon kay PCPT Joel C. Albao, COP ng Barira MPS.
Ang programa ay naging matagumpay sa tulong ng BIAF-MILF, Barangay Local Government Unit, MLGU, PNP, AFP, Ministry of Public Order and Safety (MPOS) na nagbigay ng 400 food pack kasama si Bai Sandra Sinsuat Sema na nag pahatid ng 1,000 bottled mineral water habang ang BIWAB Auxiliary Forces naman ng BIAF ang nanguna sa pamimigay ng pagkain sa mga kalahok. Kabilang din na tumutok sa Programa ang Media Mula sa DXJC 92.1 Voice Fm Cotabato na sya ring opisyal na partner ng BMN sa ginagawang Voters’ Education Talkshow Program ng BMN tuwing Martes at mapapakinggan ang mga radio spots tungkol sa Halalang Bangsamoro.
Ang Programa sa Camp Abubakar ay ang pang-apat na kampo mula sa anim na major camps ng MILF sa Mindanao na nakapag sagawa na ng community rollout na nagbigay-liwanag sa kahalagahan ng 2025 Bangsamoro Parliamentary Elections tungo sa pangmatagalang kapayapaan, moral governance, at mas makatarungang pamamahala para sa Bangsamoro.
Ang Camp Abubakar ay ang isa sa pinakamalaking kampo ng MILF at ipinatupad ang batas para sa mga Muslim, ginawang tahanan ng mga pinuno ng MILF kasama si Sheikh Salamat Hashim at ngayon ay Chief Minister ng BARMM Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim. Dito rin ang conventional war sa pagitan ng BIAF at Piang sanib na pwersa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas nangyari noong “All-out War” sa pamamagitan ni dating Pangulong Joseph Estrada taong 2000.
Sa ngayon ay unti-unti ng namumuhay ng mapayapa ang mga residente sa lugar ng MILF sa Camp Abubakar na sinasabayan ng tulong ng Bangsamoro government at national government sa mga proyektong ibinibigay sa lugar upang tuloy-tuloy sa Pag-unlad at maka pamuhay ng normal ang mamamayan nito. (Sahara A. Saban, BMN/Bangsamoro Today)