300 IDPs sa Marawi City, Tumanggap ng Ayuda mula sa MSSD

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-27 ng Enero, 2025) — Sa Pangunguna ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) tumanggap ng pinansyal na tulong ang 300 internally displaced persons (IDPs) mula sa Most Affected Areas (MAA) ng Marawi City noong ika-24 ng Enero, sa ilalim ng BARMM-Marawi Rehabilitation Program (MRP) ng Office of the Chief Minister. Ang distribusyon ay bahagi ng pagdiriwang ng 6th Bangsamoro Foundation Day 2025 at ginanap sa Marawi City Hall Gymnasium sa Lanao del Sur.

Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa non-Kathanor list, na binubuo ng mga sambahayang naapektuhan ng Marawi Siege na hindi napabilang sa unang listahan ng mga apektadong pamilya ngunit kinilalang karapat-dapat makatanggap ng ayuda dahil sa kanilang displacement.

Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP 5,000.00 bilang pinansyal na suporta upang muling maitayo ang kanilang mga tahanan at maibalik ang kanilang kabuhayan. Ang inisyatibong ito bilang programa na bahagi ng patuloy na rehabilitasyon ng “Ground Zero” at pagsuporta sa mga IDP na naapektuhan ng Marawi Siege noong 2017. Ang insidente ay nagdulot ng matinding pinsala sa MAA ng Marawi City, nag-iwan ng libu-libong nawalan ng tirahan, at sumira sa imprastruktura at kabuhayan ng mga mamamayan.

Ayon kay MSSD Minister Atty. Raissa H. Jajurie, mahalaga ang pagsuporta sa mga IDP ng Marawi upang maibalik ang kanilang pag-asa at maibangon muli ang kanilang mga komunidad.

“The newly enacted IDP Law seeks to implement comprehensive programs designed to support protractedly displaced persons and their communities in achieving durable solutions,” ani Minister Jajurie.

Binigyang-diin din ni Marawi Rehabilitation Program (MRP) Program Manager at Member of the Parliament (MP) Said M. Shiek ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga inisyatibo ng gobyerno ng BARMM para sa kapakanan ng Bangsamoro people at kanilang mga komunidad.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Atty. Mohammad Muktadir Ahmad Estrella, MSSD Bangsamoro Director General, ang patuloy na suporta at dedikasyon ng MSSD at ng BARMM Government sa muling pagbangon ng Marawi City.

“The MSSD together with the BARMM Government will continue providing services to you in the coming years. In shah Allah, let us work together to rebuild the City of Marawi properly, and with justice,” ayon kay Estrella.

Nagbigay din ng suporta sa logistics at seguridad ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Marawi City sa pangunguna ni CSWDO Rismirah Adap at ng Armed Forces of the Philippines-Marawi Task Force upang matiyak ang tagumpay ng aktibidad.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga pangunahing opisyal ng MSSD tulad nina Deputy Minister Nur-Ainee Tan Lim, Director II for Programs and Operations Services Hasim Guiamil, MSSD Legal and Liaison Head at MRP Technical Working Group Chairperson Atty. Sittie Rhaodda A. Raniai, Chief of Planning and Development Division Jamal M. Ali, MSSD Lanao del Sur Administrative Officer V at Marawi Coordinating Office (MCO) Head Nahara G. Noroden, at iba pang MSSD LSA staff.

Patuloy naman ang payout para sa natitirang IDPs na hindi pa nakapagparehistro sa ilalim ng Kathanor upang masiguro na lahat ng karapat-dapat na benepisyaryo ay mabigyan ng tulong.

Ang MRP ay isa sa mga espesyal na programa ng BARMM sa ilalim ng Office of the Chief Minister Ahod B. Ebrahim, na naglalayong suportahan ang rehabilitasyon ng Marawi bilang bahagi ng 12-Priority Agenda ng Bangsamoro Government. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MILF demands stronger peace measures, calls for return of international monitors after Basilan clash
Next post MHSD AT MP Parcasio Isinagawa ang Turn-over ng Training Center sa Malita, Davao Occidental