MBHTE, Inilunsad ang Home-Grown School Feeding Program para Labanan ang Malnutrisyon sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-23 ng Hulyo, 2024) — Sa pangunguna World Food Program at Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay opisyal nang inilunsad ang Home-Grown School Feeding Program nitong Martes ika-23 ng Hulyo.
Ang Home-Grown School Feeding Program ay naglalayong magbigay ng masustansya at ligtas na pagkain mula sa mga lokal na magsasaka para sa mga mag-aaral at tiyakin ang kanilang sapat na nutrisyon sa rehiyon.
Ang MBHTE, na siyang pangunahing namamahala sa implementasyon ng programa, ay nagpakita ng malaking pag-asa na labanan ang malnutrition sa BARMM. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isasagawa ang programang ito sa antas ng lokal na pamahalaan, kaya’t itinuturing itong isang mahalagang hakbang tungo sa mas malawak na tagumpay.
Susuriin ng MBHTE ang positibong epekto ng programa sa mga mag-aaral at isasakatuparan ito sa iba pang mga munisipyo sa rehiyon.
Sa tulong ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at education partners, ipinakita ng bawat isa ang kanilang suporta at pangako sa pagpapatupad ng programa. Ang koordinasyon at kooperasyon ng bawat ahensya at pamahalaan ay itinuturing na susi sa tagumpay ng proyektong ito.
Nagpahayag din ng suporta ang Ministry of Health (MOH), na binigyang-diin ang kahalagahan ng wastong nutrisyon para sa kalusugan at pag-unlad ng mga bata. Ayon sa kanila, ang Bangsamoro region ay may pinakamataas na bilang ng stunting o pagkabansot sa bansa, ngunit bumaba ito mula 45% patungong 36.6% ayon sa pinakahuling National Nutrition Survey.
Kabilang sa suporta ng MOH ang pagbibigay ng micronutrient supplements at teknikal na tulong sa mga tagapagpatupad ng programa, lalo na sa mga school nurses at iba pang opisyal ng paaralan. Tiniyak ng MOH ang kanilang patuloy na suporta para sa tagumpay ng proyekto.
Nagbigay din ng mensahe ang representative ni Datu Marshall Sinsuat kinatawan ng Mayor ng Datu Blah na si Ma’am Samira Mustapha. Aniya, “ang Datu Blah ay buo ang suporta sa programa. Bago pa man ang opisyal na paglulunsad, mayroon nang task group na naitayo upang masiguro ang maayos na implementasyon ng programa.”
Ang pangunahing layunin nito ay ang makipagtulungan sa mga lokal na magsasaka, lokal na pamahalaan, at iba pang mga stakeholder para sa pagpapanatili ng programa.
Nangako ang bawat sektor, kabilang ang lokal na pamahalaan, na gampanan ang kanilang mga tungkulin upang masiguro ang tagumpay ng programa. Patuloy na susuriin ng task group ang progreso ng implementasyon upang masiguro na ito ay naisasagawa nang maayos at naaayon sa mga alituntunin ng mga ahensya.
Inaasahang magpapatuloy ang suporta at gabay para sa pagpapatupad ng mga karagdagang programa sa kalusugan at nutrisyon. (Hasna U. Bacol, Norhainie S. Saliao, MSU-Maguindanao OJT ABIS student, BMN/BangsamoroToday)