Provincial Agriculturist Office, Pinangunahan ang Pagsasanay at Pamamahagi ng Kagamitang Pansakahan sa Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-10 ng Oktubre, 2025) — Matagumpay na isinagawa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), sa pakikipagtulungan ng mga Local Government Units (LGUs), ang isang Pagsasanay sa Produksyon ng Palay at pamamahagi ng makinarya at kagamitang pansakahan para sa mga magsasaka ng palay sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Layunin ng aktibidad na itaas ang antas ng kaalaman ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng palay gamit ang PalayCheck System. Saklaw nito ang mga pangunahing aspeto ng pagsasaka tulad ng tamang pagpili ng binhi, pamamahala ng sustansya ng lupa, pinagsamang pamamahala ng peste, wastong paggamit ng patubig, at tamang paghawak ng ani. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ang mga magsasaka ng kasanayang magpapaangat sa kanilang ani at kita.
Bilang bahagi ng programa, ipinamahagi ng OPAg ang mga certified hybrid rice seeds at pormal na itinurn-over ang mga rice harvesters sa mga kooperatiba ng magsasaka. Ang hakbang na ito ay naglalayong magbigay ng agarang suporta sa produksyon at palakasin ang ugnayan ng mga magsasaka sa OPAg, mga LGU, at mga organisasyon ng mga magsasaka sa lalawigan.
Nagtapos ang programa sa isang panata ng pagtutulungan at pangakong gagamitin nang buong husay ang mga natanggap na kagamitan at ayuda upang makamit ang masagana, matatag, at napapanatiling produksyon ng palay.
Ang kaganapang ito ay bahagi ng Festival of Service: GIVE HEART, ang programang pangkaunlaran ng Pamahalaang Panlalawigan na naglalayong maghatid ng holistikong, inklusibo, at makabuluhang serbisyo para sa mga mamamayan ng Maguindanao del Sur.
(BMN/BangsamoroToday)