MOLE BARMM Minister Sema, Kinilala ang Kontribusyon ng Manggagawang Bangsamoro sa ‘Bangsamoro Labor Day 2024’

MOLE BARMM Minister Muslimen G. Sema (center) kasama ang kanyang ‘working force’ sa pagkilala sa manggagawang Bangsamoro at paggunita ng May 1, 2024 Labor Day. (Litrato ni Hassanudin Singgon, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-1 ng Mayo, 2024) – Isang nakakaantig na pagtitipon ang naganap sa araw na ito upang ipagdiwang ang kahalagahan ng Araw ng Manggagawa na may temang “Manggagawang Bangsamoro, katuwang sa Pag-asenso, Tungo sa Bagong Pilipinas.” Isang pagkilala sa patuloy na paglilingkod at dedikasyon ng Bangsamoro government. Sa mahalagang okasyong ito, sinabi ni Minister Muslimen G. Sema ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) ang kanyang mainit na pagtanggap sa lahat ng mga manggagawa, na kinikilala ang kanilang papel bilang mga haligi ng ating lipunan.

“Ang araw ng paggawa ay hindi lamang isang pagdiriwang kundi isang pagpapahalaga sa karapatan ng bawat manggagawa, tulad ng tamang sahod at wastong oras ng trabaho, pati na rin ang kanilang kaligtasan at kapakanan,” pahayag ni Minister Sema.

“Ito rin ay isang pagkilala sa kahalagahan ng bawat manggagawang Bangsamoro at Pilipino sa pag-unlad ng ating ekonomiya at lipunan.” dagdag nito.

Sa pagpapatuloy ng kanyang talumpati, ipinahayag ni Minister Sema ang patuloy na pagtugon ng Bangsamoro government sa mga pangangailangan at interes ng mga manggagawa. Binigyang-diin niya ang mga hakbang na isinasagawa ng MOLE upang mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, kabilang ang pagsasanay sa trabaho at edukasyon patungkol sa labor standards.

“Sa pamamagitan ng ating mga programa at proyekto tulad ng Bangsamoro Rural Employment through Entrepreneurial Development (BREED) at Bangsamoro Integrated Livelihood Program (BILP), patuloy nating pinatutunayan ang ating commitment sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga manggagawa,” dagdag pa niya.

Pagpapaabot ng tulong pinansyal ng MOLE BARMM sa ‘beneficiary’ ng ministeryo. (Litrato ni Hassanudin Singgon, BMN/BangsamoroToday)

Isa sa mga malaking tagumpay na binanggit ni Minister Sema ay ang pagtatakda ng bagong minimum wage sa Bangsamoro, na nagdulot ng pag-angat sa sweldo ng mga manggagawa.

“Naglabas ang Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB) ng new minimum wage para sa madagdagan ang sweldo ng ating manggagawa dito sa Bangsamoro na bigyan ng 20 pesos na nomento ng kanilang mga sahod. Sa madaling salita, ang dating 341 pesos na arawang sahod para sa Cotabato City ay nasa 361 pesos na ngayon,” aniya.

Sa huli, hinikayat ni Minister Sema ang lahat ng sektor na magkaisa at magtulungan upang mapaunlad ang ekonomiya at lipunan ng Bangsamoro.

“Sa pagtayo ng ating Bangsamoro government, kayo ay itataguyod, kayo ay itatayo, at kayo ay ipaglalaban,”
pahayag ni Minister Sema. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Bangsamoro Chief Minister Ebrahim Commemorates Labor Day, Call for Unity and Progress
Next post Bangsamoro’s MOST Evaluates MSMEs’ Compliance with Good Manufacturing Practices in Lanao Del Sur