
Pamamahagi ng P906,000 sa mga Senior Citizen sa Pangutaran, Matagumpay na Isinagawa

COTABATO CITY (Ika-30 ng Enero, 2025)—Matagumpay na naipamahagi ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang kabuuang halagang PhP906,000 sa mga benepisyaryo ng Social Pension (SocPen) Program sa Pangutaran Unit Office noong ika-13 ng Enero, ang ayuda ay naglalayong suportahan ang pangunahing pangangailangan ng mga seniorcitizen sa loob ng anim na buwan.
Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP6,000 kung saan karamihan sa kanila ay nagmula sa mga barangay ng Tubig Sallang na may 81 benepisyaryo at Kehi-Niog na may 70 benepisyaryo. Ang sistematikong pamamahagi ay bahagi ng pagsisikap ng MSSD na tiyaking epektibo at maayos na naipapamahagi ang pondo sa mga nangangailangan.
Ang SocPen Program ay isang pambansang inisyatiba na may layuning maibsan ang kahirapan ng mga mahihirap na nakatatanda sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular na ayuda upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Ayon sa MSSD, kanilang sisikaping makumpleto ang pamamahagi ng SocPen sa mga natitira pang kwalipikadong nakatatanda sa mga susunod na linggo. Patuloy din ang MSSD sa pagpapahusay ng programa upang mas mapaigting ang epekto nito sa mga benepisyaryo. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)