BMN, Matagumpay na Naisagawa ang Voters’ Education para sa BIAF-MILF North Western Mindanao Front ng Camp Bilal

(Litaro kuha ni Mohamiden G. Solaiman, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-28 ng Enero, 2025) – Mahigit 100 matataas na opisyales ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Camp Bilal na pinamumunuan ni MP Abdullah “Commander Bravo” G. Macapaar ng North Western Mindanao Front (NWMF) kasama ang kanilang pamilya ang dumalo sa matagumpay na Voters’ Education Campaign na isinagawa ng Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc. kahapon, sa Camp Bilal, Sitio Kurakura, Tamparan, Munai, Lanao del Norte.

Ang aktibidad na ito ay naisakatuparan sa tulong ng Bangsamoro Parliament at Commission on Elections (COMELEC), sa suporta ng The Asia Foundation (TAF) at ng UK Government, katuwang ang British Embassy Manila.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng background at layunin ng programa ang Executive Director ng BMN na si Faydiyah S. Akmad. Ayon sa kanya, “Ang programang ito ay magbibigay sa inyo ng tamang impormasyon na magiging gabay sa araw ng eleksyon. Huwag magtago, lumabas at iboto ang karapat-dapat na lider.”

Pinasalamatan din nito ang mga dumalo at ang kanilang aktibong pakikilahok. “Ang BMN ay nagpapasalamat na kayo ay naglaan ng oras para makilahok. Ang programang ito ay para sa inyo, hindi para sa amin.”

Dumalo rin si Member of Parliament at Front Commander ng North Western Mindanao Front ng BIAF-MILF Commander Bravo. Nagbigay siya ng mensahe ng suporta at tinalakay ang mga hamon at tagumpay ng Bangsamoro sa aspeto ng pulitika at pamamahala.

Binigyang-diin nito ang papel ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) at ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga lider at mamamayan para sa maayos na pamamahala. Kabilang din sa kanyang tinalakay ay ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga Moro at ang mga insentibo para sa pang-ekonomiyang pag-unlad tulad ng pabahay, imprastraktura, at enerhiya.

Nagbigay din ng mensahe si Engr. Misuari “Jake” Abdullah, Project Officer ng The Asia Foundation. Binanggit niya ang kahalagahan ng maayos at mapayapang eleksyon sa 2025 upang masiguro ang patuloy na proseso ng kapayapaan at pag-unlad sa Bangsamoro. Ibinahagi din nito ang mga hakbang para sa pagsuporta sa mga kampo ng MILF at mga komunidad sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan at serbisyong panlipunan.

Ipinaliwanag ni Atty. Yassin Bantuas Maute, Supervising Legislative Staff Officer ng Office of Deputy Minister Ali B. Solaiman, ang mga probisyon ng Bangsamoro Electoral Code (BEC) at ang proseso ng BARMM Parliamentary Election.

Samantala, pinasadahan naman ni Macapantao I. Carim, Acting Election Officer ng Piagapo, Lanao del Sur, ang mandato ng COMELEC at ang paggamit ng bagong Automated Counting Machine (ACM) bilang bahagi ng paghahanda para sa May 12, 2025 National, Local, at BARMM Elections. Nagkaroon ng actual demonstration ng pagboto gamit ang Automated Counting Machine (ACM) at kabilang sa nag-fill up ng balota si Commander Bravo at nag-cast ng kanyang kauna-unahang boto sa isinagawang exercises.

Sa pagtatapos ng programa, nagpasalamat ang Chairman ng BMN na si Tu Alid Alfonso sa mga dumalo, lalo na kay Commander Bravo sa kanyang suporta sa programa. Nagbigay din siya ng panawagan para sa mapayapa at patas na eleksyon.

“Maging peaceful at walang dayaan na mangyayari, ibig sabihin halal na halalan sa Bangsamoro,” aniya pa.

Ibinahagi din ni Alfonso ang pagsusumikap ng BARMM Chief Minister at UBJP President kasama ang kanyang ka-partido na makausap ang senado tungkol sa postponement at extension ng Bangsamoro Parliamentary election, “Kung ano man ang mapagkasunduan ng ating National Government sa saktong petsa ng botohan para sa BARMM dapat nating igalang at handa kayo na lumahok.”

Ang huling magsasagawa ng Voters’ Education para sa BIAF-MILF ay ang Camp Bushra sa Butig, Lanao del Sur ngayong Huwebes, ika-30 ng Enero matapos ang limag kampo ng MILF, ito ay ang Camp Badre, Camp Omar, Camp Rajah Muda, Camp Abubakar at ang Camp Bilal. Ang programang ito ay sa loob ng pActivate Bangsamoro Phase 4 Project ng The Asia Foundation. (Sahara A. Saban, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MHSD AT MP Parcasio Isinagawa ang Turn-over ng Training Center sa Malita, Davao Occidental
Next post MBHTE, naglaan ng P32M para sa mga Bagong Pasilidad Pang-Edukasyon sa Maguindanao del Norte