P6.3-T na Pambansang Badyet, Nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr.

(Litrato mula sa Bongbong Marcos Facebook Page)

COTABATO CITY (Ika-1 ng Enero, 2025) — Inaprubahan at nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Lunes ang PhP6.326-trilyong pambansang badyet ngayong taong 2025 matapos mag-alis ng hanggang PhP194 bilyon sa mga bagay na sinabi niyang hindi direktang tumugon sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino.

Sa seremonya ng paglagda sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ang kanyang pag-veto sa ilang line item sa proposed measure ay nagpatunay na pinakinggan ng executive branch ang mga kritisismo laban sa pinal na bersyon ng 2025 General Appropriations Bill.

Magugunita na ipinagpaliban muna ang paglagda sa badyet bago ang holiday upang bigyang-daan ang isang malawak na pagsusuri sa mga probisyon ng badyet kasunod ng mga panawagan ng ilang sektor na suriing mabuti ang mga detalye nito.

Sa PhP194 billion na budget line item na pinagpasyahang i-veto ng Pangulo,  PhP26.065-bilyong halaga ng mga proyekto ay nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang PhP168.240 bilyon ang inilaan sa ilalim ng “unprogrammed appropriations.”

Nakinig anya ang Pangulong Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino kasabay ng pagpapasalamat dahil sa pag-usisa ng mamamayan sa  pambansang badyet at sa pagtutol sa pagkakaiba ng mga bersyon na isinumite ng Kongreso mula sa panukalang pondo na isinumite ng Pangulo.

Inilabas ng Pangulo ang pahayag ilang sandali matapos lagdaan ang pinal na bersyon ng 2025 GAB, na aniya, ay sumasalamin sa sama-samang pangako sa pagbabago sa ekonomiya na natamasa tungo sa makabuluhang resulta para sa bawat Pilipino. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Accomplishment ng MILG, Ibinahagi sa Year-End Report sa Media Conference
Next post HWPL Concludes Successful Year-End Peace Messengers’ Gathering Online