Accomplishment ng MILG, Ibinahagi sa Year-End Report sa Media Conference

(Litrato mula sa MILG-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-24 ng Disyembre, 2024) — Inihayag ng Ministry of Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kanilang taunang ulat sa isang media conference para sa mga pangunahing tagumpay, programa, at hamon na hinarap sa nakalipas na taon na ginanap ngayong araw ng Martes, sa Alnor Convention Center, Cotabato City.

Ayon kay MILG Minister Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, ang kanilang mandato ay tiyakin ang pangkalahatang superbisyon sa mga lokal na pamahalaan, palakasin ang kapasidad ng mga ito sa pamamahala at kaligtasan, at bumuo ng mga angkop na programa upang tugunan ang mga kalamidad.

Sa taong ito, umabot sa dalawamput-siyam (29) ang mga Local Government Unit (LGU) na kinilala sa ilalim ng “Seal of Good Local Governance”. Ito ay mas mataas kumpara sa dalawamput-walo (28) noong nakaraang taon. Mula sa kabuuang 2,594 Barangay, dalawang Barangay mula sa Tawi-Tawi, Barangay Bakong sa Simunul at Barangay Darussalam sa Nanguyan, ang ginawaran ng insentibong halagang PhP50,000 bawat isa.

Bukod dito, sampung LGU beneficiaries naman ang nakatanggap ng “Notice to Implement” para sa kanilang incentive fund, habang walong kandidato ang na-shortlist para sa “Salamat Excellence Award for Leadership (SEAL)”.

Sa ilalim ng “Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA)”, siyam na Barangay ang kinilala sa kanilang natatanging pagganap, habang Limamput-isang Barangay finalists ang napili sa rehiyon.

Kinilala rin ang mga inobatibong proyekto tulad na lamang ng “Trash to Treasure” ng Datu Abdullah Sangki , “One Name, One Identity” ng Pagayawan, at ang “UBEcosavers” ng Maguindanao Health Center.

Matagumpay din na isinagawa ang pagsasanay sa mga bagong halal na opisyal sa labing-isang (11) munisipalidad ng Tawi-Tawi, Basilan, Lanao del Sur, at Maguindanao, kung saan layuning mapabuti ang kanilang pamumuno at serbisyo sa komunidad.

Patuloy naman ang pagsasanay para sa Bangsamoro Task Force on Ending Local Armed Conflict (BCFL) at mga Conflict Resolution Training para sa mga LGU. Kasabay nito, ipinatupad ang mga disaster response plan kabilang ang mga aksyon laban sa epekto ng El Niño at La Niña.

Sa ilalim ng Special Geographic Area Development Authority (SGADA), ipinagkaloob sa walong munisipyo ang fiscal autonomy upang matiyak ang mas mabilis at epektibong pagproseso ng mga programa at pondo para sa mga nasasakupan nito.

Nabanggit din ni MILG Minister Atty. Alba na isa sa pinakamalaking hamon ay ang pag-alis ng lalawigan ng Sulu sa rehiyon ng Bangsamoro.

“Katulad ng sinabi ko, marami pong mga pinagdaanan at mga challenges yung ating Bangsamoro Government, even the Local Government Units, kasama na dyan yung sa pag-exclude ng province of Sulu, at ito yung pinakamahirap para po sa atin dahil we were already building a good relationship with the province of Sulu…,” anya pa.

“Pero tinatanggap po natin kung anong nangyari at malalaman natin, Insha Allah kung ano pa yung mga pweding mangyari sa future, hindi naman tayo nawawalan ng pag-asa, pero katulad ng sinabi ni Minister Iqbal during the IGRP meeting, malaking kawalan po at malaking dagok para sa Bangsamoro ang pagkawala ng Sulu sa region,” punto pa nito.

Pinasalamatan din ni MILG Minister Alba ang kanilang masisipag na tauhan at mga katuwang na ahensya na patuloy na nagtatrabaho para sa kapakanan ng Bangsamoro.

“Maraming salamat po, amin pong pinaparating lamang sa inyo ng Ministry of the Interior and Local Government sa lahat ng kasamahan dito, lahat ng hardworking, competent, and dedicated workforce ng MILG, ay nagtatrabaho umaga gabi, holiday, para po makapag serbisyo sa ating Local Government Units at sa kabuuan po ng Bangsamoro people. Maraming salamat po,” pahayag pa ni Minister Alba.(Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MSSD ipinagdiriwang ang 1st completion day ng Center for Persons with Disabilities trainees
Next post P6.3-T na Pambansang Badyet, Nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr.