527 Pamilyang Apektado ng Baha sa Ampatuan, MDS Tumanggap ng Tulong at Mga Kababaihang Apektado ng Armadong Labanan sa Datu Odin Sinsuat, MDN, Sumailalim sa MHPSS
COTABATO CITY (Ika-13 ng Setyembre, 2024) — Nasa Kabuuang 527 na pamilyang apektado ng pagbaha sa bayan ng Ampatuan ang nakatanggap ng tulong mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) Maguindanao del Sur Provincial Office noong ika-10 ng Setyembre.
Bawat pamilya ay nabigyan ng 25 kilong bigas, mga de-latang pagkain, at instant na kape bilang bahagi ng relief distribution na layong makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang sila’y bumabangon mula sa pinsalang dulot ng pagbaha na nakaapekto sa kanilang mga tahanan at kabuhayan.
Ang pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng Emergency Assistance Program ng Disaster Response Management Division ng MSSD. Ang nasabing programa ay inilaan upang magbigay ng agarang suporta sa mga indibidwal at komunidad na naapektuhan ng sakuna.
Samantala ,nagsagawa rin ang MSSD sa pamamagitan ng Maguindanao del Norte Provincial Office, katuwang ang IPHO Maguindanao, ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) services at self-care activities para sa 250 kababaihang apektado ng armadong labanan sa Datu Odin Sinsuat noong ika-11 ng Setyembre, sa Notre Dame University Gymnasium, Cotabato City.
Kabilang sa MHPSS activities ang mga talakayan tungkol sa kahalagahan ng mental health at psychosocial support, pati na rin ang pagkilala sa mga sintomas ng suicidal tendencies at kung paano ito mapipigilan, alinsunod sa pagdiriwang ng Suicide Prevention Month ngayong Setyembre.
Sa aktibidad, tinalakay ni Deputy Minister Nur-Ainee Tan Lim ang papel ng espiritualidad sa kalusugan ng isip. Samantala, si Ustadh Faisal Dacungan ay nagbigay liwanag sa pananaw ng Islam ukol sa mental health.
Bukod dito, isang orientation din ukol sa RA 11596 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” ang inihandog, kasama ang talakayan sa Child Protection at Gender-Based Violence referral pathway.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni MSSD Director II, Hashim Guiamil, ang kahalagahan ng kababaihan sa lipunan at ang dedikasyon ng Ministry sa mga bulnerableng sektor, lalo na ang mga kababaihan sa panahon ng krisis. “Your Ministry of Social Services looks after the welfare of women in need. Women are an important part of society, and mental health is an essential aspect of our overall well-being,” ani Guiamil.
Nagpahayag ng pasasalamat si Linang Aron, isa sa mga lumahok, sa tuluy-tuloy na suporta ng Ministry. “Thank you very much to MSSD for the help you provided us from the evacuation centers during the times of war. Now, we are receiving Mental Health and Psychosocial Support as well.”
“Thank you also for the grocery items you gave us. They are a big help to us,” Dagdag ni Aron.
Bukod sa mga aktibidad, ang bawat kalahok ay tumanggap ng grocery package bilang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, at 40 masuwerteng kalahok ang nabigyan ng mga voucher para sa libreng manicure, pedicure, at body massage treatments.
Dumalo rin sa aktibidad ang Provincial Social Welfare Officer ng Maguindanao del Norte na si Hja. Emma Salik-Ali, kasama ang mga program focal persons at social welfare officers. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)