MILF at National Amnesty Commission, Nagpatuloy sa Pagproseso ng Aplikasyon ng mga PDL para sa Amnesty Program
COTABATO CITY (Ika-13 ng Setyembre, 2024)— Sa patuloy na pagsisikap na maisulong ang mga bahagi ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro, isinagawa noong Setyembre 10-11 ng Technical Working Group (TWG) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa amnesty at ng National Amnesty Commission-Local Amnesty Board (NAC-LAB) NCR ang isang one-stop application process para sa Persons Deprived of Liberty (PDL).
Ito ay ginanap sa BJMP sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig, at sa Bureau of Corrections New Bilibid Prison sa Muntinlupa City noong ika-10 hanggang ika-11 ng Setyembre para sa mga PDL na miyembro ng MILF.
Apatnapu’t limang (45) PDLs ang matagumpay na nakapagpasa ng kanilang aplikasyon sa NAC-LAB. Ang mga dokumentong ito ay isasailalim sa pagsusuri at pagbibigay ng rekomendasyon ng mga miyembro ng National Amnesty Commission bago isumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Kasabay ng aktibidad ang dalawang grupo ay ipinadala sa iba’t ibang lugar sa Mindanao at Visayas upang magsagawa ng kaparehong proseso. Inaasahang matatapos ang lahat ng aplikasyon, kabilang ang mga PDLs na may mga kasong nakabinbin, sa darating na ika-30 ng Setyembre.
Ayon pa kay MP Baileng Simpal Utto Mantawil, bago pa man ito, ang unang batch ng mga aplikante, na binubuo ng mga mataas na opisyal ng MILF, ay nauna nang nagsumite ng kanilang mga dokumento sa Chairperson ng NAC sa Cotabato City.
Dagdag pa ni MP Mantawil na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pagpapalakas ng tiwala sa pagitan ng Pambansang Pamahalaan at MILF sa pamamagitan ng Amnesty Program.
Pinangunahan ni MP Mantawil, kasama si MP Atty. Lanang Ali Jr., PSRO Executive Director Anwar Alamada at Sheikh Hisham Nando at iba pang kanilang nakasama sa pagproseso ng amnestiya para sa PDLs ng MILF ang pumunta sa Metro Manila upang masikaso ang mga kinakailangang dokumento.
Ang mga MILF members na nasa piitan ngayon ay lumaban sa gobyerno para sa karapatan sa sariling pagpapasya ng Bangsamoro. Kabilang sa bunga ng kanilang ipinaglaban ay ang kasalukuyang nakamit na panggobyerno ng Bangsamoro dito sa Mindanao sa loob ng RA 11054 o Bangsamoro Organic Law.
(Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)