Pabahay sa BARMM na may Solar-Powered Water System, Itatayo sa Special Geographic Area

(Litrato mula sa MHSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-26 ng Hulyo,2024) — Pinangunahan ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng 50 yunit na pabahay na may kasamang solar-powered water system at entrance archway sa Barangay Pedtad, Old Kaabakan (Kabacan), Special Geographic Area (SGA), noong ika-23 ng Hulyo.

Ang proyektong ito ay mahalagang hakbang tungo sa muling pagbangon at rehabilitasyon ng Bangsamoro community at iba pang mga lugar na naapektuhan ng kaguluhan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Dinaluhan ni Bangsamoro Director General (BDG) Esmael W. Ebrahim at MHSD-SGA Provincial Director (PD) Hamzah A. Salik ang groundbreaking ceremony.

Binigyang pugay ni BDG Ebrahim ang dedikasyon ng pamahalaan ng BARMM sa liderato ni Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebtrahim sa pagbibigay ng pabahay para sa lahat ng kanilang nasasakupan, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng kaguluhan. Aniya, mahalaga ang pagtutulungan sa mga local government units (LGUs) para matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto.

Binigyang-diin naman ni Atty. Janice-zah M. Macapantar na ang proyekto ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagbuo ng mas matatag at ligtas na komunidad. “This is not just about constructing houses but about creating a foundation for a peaceful and prosperous future for all families,” aniya.

Ipinaliwanag ni Engr. Nurmelyn A. Ibad na ang mga bahagi ng proyekto ay kinabibilangan ng pagtatayo ng entrance archway at ang 50 yunit ng pabahay na may tatlong kwarto, isang kusina-sala, at isang banyo bawat yunit.

Tiniyak naman ni Habib Guiabar, ang tagapagtaguyod ng proyekto ito ay inklusibo at makikinabang ang lahat ng miyembro ng komunidad, parehong Muslim at Kristiyano. Binigyang-diin niya ang makabagong disenyo ng mga bahay na magsisilbing modelo para sa mga hinaharap na proyektong pabahay sa iba pang barangay.

Ang groundbreaking ceremony ay isang mahalagang yugto sa pagsisikap ng pamahalaan ng BARMM na magbigay ng sustainable na pabahay at magtaguyod ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga mamamayan ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MIPA-BARMM Tumulong sa Indigenous Communities ng Balabagan, Lanao del Sur na Naapektuhan ng Pagbaha
Next post Office of the Chief Minister pinalakas ang Serbisyong Pampubliko