MOST Acting Minister Usop, Nagpasalamat kay Chief Minister Macacua sa Pagkilala sa Kontribusyon ng Ministeryo sa BARMM

COTABATO CITY (Ika-8 ny Agosto, 2025)— Itinampok ng Ministry of Science and Technology (MOST) ang mga pangunahing tagumpay nito sa larangan ng agham, inobasyon, at pagpapalakas ng kabataan sa ginanap na Chief Minister’s Hour nitong Huwebes sa ilalim ng Pamahalaang Bangsamoro.
Pinangunahan ni Acting Minister Jehan A. Usop, MAPDS, kasama si Director General Abdulrakman K. Asim, PME, MERIE na taos-pusong nagpasalamat kay Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua sa pagkilala sa mga hakbang ng ministeryo tungo sa pagpapaunlad ng agham at teknolohiya sa rehiyon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Minister Usop ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga programang nakatuon sa agham, partikular na yaong mga nakatutok sa pag-unlad ng kabataan at katatagan sa harap ng pagbabago ng klima at pagkilala sa mga tagumpay ng ministeryo, kabilang ang PhP80.3M STEM Scholarships para sa 400 Bangsamoro youth na nakatakdang magbukas sa August 2025.
Binigyang-diin ni ICM Macacua na ang mga programang ito ay pundasyon ng isang matatag at makabagong Bangsamoro.”Strength not in power, but in prayer. Not in position, but in purpose,” aniya.
Ang sesyon ay naging makabuluhang sandali hindi lamang para sa komunidad ng agham sa BARMM kundi lalo na para sa mga kabataang Bangsamoro na ngayon ay may mas malinaw na landas tungo sa pagiging mga siyentista, inhinyero, at innovator ng hinaharap.
Muling iginiit ng MOST ang kanilang hangarin na bumuo ng isang Bangsamorong pinangungunahan ng agham, nakaugat sa integridad, katatagan, at pantay-pantay na oportunidad para sa lahat.
Sa kabuuan, ipinakita ng MOST ang matibay na suporta nito sa kabataan at agham bilang susi sa makabagong Bangsamoro. Sa tulong ng pamahalaan, patuloy itong magsusulong ng inobasyon at pantay na oportunidad para sa lahat. (Noraisa Kudarat Mohamad, OJT MSU Islamic Studies Students, BMN/BangsamoroToday)