MBHTE, naglaan ng P32M para sa mga Bagong Pasilidad Pang-Edukasyon sa Maguindanao del Norte

(Litrato mula sa MBHTE-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-29 ng Enero, 2025) — Ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ay idinaos ang sunud-sunod na groundbreaking ceremonies para sa konstruksyon ng iba’t ibang imprastraktura sa Maguindanao del Norte Schools Division Office (SDO) noong ika-25 ng Enero.

Kabilang sa mga proyekto ang pagtatayo ng mga bakod sa apat (4) na paaralan – Sarilikha National High School, Taviran Elementary School, Linek Elementary School, at Margues Elementary School.

Magtatayo rin ng isang covered court na may entablado sa Margues Elementary School at sa Barangay Makir.

Bukod dito, magtatayo ang MBHTE ng isang palapag na gusaling may dalawang silid-aralan sa Mumpong Elementary School at sa Sitio Linab, Barangay Bugawas.

“Today, we are not just laying the foundation for buildings; we are laying the foundation for the future of our children. These projects are a commitment to ensuring that every Bangsamoro learner has a safe and nurturing space to learn and grow,” pahayag ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal.

Dagdag pa rito, itatayo rin ang isang Educational Learning Center sa Sitio Cawa, Barangay Bugawas, Datu Odin Sinsuat, gayundin ang isang water sanitation project na may water source development sa Datu Pinguiman Elementary School.

Ang kabuuang halaga ng mga proyektong ito ay PhP32,561,692, na sumasalamin sa matibay na dedikasyon ng Ministry na bigyan ang Bangsamoro ng mas maliwanag na kinabukasan sa pamamagitan ng pagpapabuti ng akses sa dekalidad na edukasyon, pagbibigay-kapangyarihan sa mga mag-aaral, pagpapalaganap ng pag-asa, at pagtatayo ng pundasyon para sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post BMN, Matagumpay na Naisagawa ang Voters’ Education para sa BIAF-MILF North Western Mindanao Front ng Camp Bilal
Next post BICTO, Nagsagawa ng Libreng Pagsasanay sa Video Editing para sa mga Office of Other Bangsamoro Communities