MSSD, nagsagawa ng monitoring at pamamahagi ng rice subsidy sa mga benepisyaryo ng Unlad Program sa Kabuntalan, MDN

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-11 ng Oktubre, 2024) — Sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare Office ng Kabuntalan, nagsagawa ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng dalawang araw na monitoring at pagbibigay ng cash payout sa mga benepisyaryo ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program sa Kabuntalan, Maguindanao del Norte, noong ika-3 hanggang ika-4 ng Oktubre.

Bahagi ito ng patuloy na pagsusumikap ng MSSD na masiguro na ang tulong na ipinagkakaloob sa ilalim ng Unlad Program ay nagbubunga ng positibong pagbabago at nakakatulong sa pagpapabuti ng socio-economic status ng mga benepisyaryo.

Sa isinagawang monitoring, napansin ang malaking pag-unlad sa iba’t ibang kabuhayan ng mga benepisyaryo tulad ng pangingisda, pagpapatakbo ng sari-sari store, at pagpapalaki ng baka at kambing.

Bukod dito, nakatanggap ng rice subsidy grant na nagkakahalaga ng PhP7,200 bawat isa ang kabuuang 179 benepisyaryo ng Unlad. Sumasaklaw ito sa kanilang buwanang subsidy na PhP1,200 para sa ikalawa at ikatlong quarter ng 2024.

Ang Unlad Program ay naglalayong magbigay ng pinansyal at teknikal na suporta sa mga mahihinang pamilya sa rehiyon ng Bangsamoro upang makatulong sa pagtataguyod ng mga sustainable income-generating activities.

Ayon sa MSSD ang monitoring visit na ito ay inaasahang makapagpapabuti pa sa pagpapatupad ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga lugar na nangangailangan ng karagdagang tulong at suporta. Nanatili itong pangunahing inisyatiba ng Pamahalaang Bangsamoro upang maiangat ang buhay ng mga mamamayan nito sa pamamagitan ng mga pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post UBJP Nagpahayag ng Suporta sa mga Party Workers nito na Naging Biktima ng Karahasan sa Shariff Aguak, Maguindanao Del Sur
Next post BHRC-BARMM Nanawagan ng Hustisya sa Pagsalakay ng mga Armado sa Tahanan ni BHRC Commissioner Buaya