Mayor Bruce Umalma, sa anyay Fake News na pag-uugnay sa Pagpapalit ng BARMM Leadership sa Pagdating ng dalawang Marines Company sa Cotabato City

(Litrato mula sa Bruce “BM” Matabalao FB Page)

COTABATO CITY (Ika-10 ng Marso, 2025) — Fake news, ito ang sinabi ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Dela Cruz Matabalao sa kanyang social media post bilang reaksyon sa isang post ng OneTV Philippines na iniuugnay ang pagdating ng dalawang Marines Company sa lungsod noong Sabado sa pagbabago ng liderato ng pamumuno sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Mababasa sa post ng OneTV Philippines na sinasabing “Usap usapan ngayon ang napipintong pag upo bilang bagong Chief Minister si Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua kapalit ng kasalukuyang Chief Minister na si Ahod Balawag Ebrahim.”

“Makikitang may powersa ng Philippine Marines ang dumating sa Cotabato City. May mga ulat kasi na baka magkaroon ng hindi magandang kahihinatnan ang pangyayaring ito”, paglalarawan sa magiging sitwasyon sa usaping pag-upo ng bagong appointed ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na Interim Chief Minister (ICM) ng BARMM Abdulraof A. Macacua na dating gobernador ng Maguindanao del Norte.

Anya, ito ay fake news at isang malaking kasinungalingan. “Ang dalawang Marines Company na dumating sa Cotabato City ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng Philippine Marines na makatulong sa peace and order ng Lungsod,” pahayag ni Mayor Matabalao.

“HINDI ANG PAGPAPALIT NG CHIEF MINISTER SA BARMM ANG DAHILAN”, punto pa nito. “Dahil alam at kilala natin ang ating mga Lider bilang mapayapa at maprinsipyong mga tao,” dagdag nito sa kanyang Facebook post sa social media page na Bruce “BM” Matabalao.

Matatandaan na dumating sa lungsod ang convoy mula sa Marine Landing Team 6 (MBLT6) na kinumpirma ni 6th ID Spokesperson LtCol Roden Orbon na sakto namang dumaan sa Governor Gutierrez Avenue — ang daan patungong Bangsamoro Government Center na siyang regional seat ng Bangsamoro government.

Simula noong Biyernes at Sabado ay usap-usapan na ang balitang may bagong itinalagang papalit na mamumuno nang nooy Interim Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” B. Ebrahim hanggang sa lumabas sa social media ang appointment letter ni Marcos, Jr. at itinalagang bagong ICM si Macacua. Sina Ebrahim at Macacua ay kapwa senior member ng Central Committee ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa ngayon ay inaabangan ng publiko ang opisyal na pahayag ng Bangsamoro government at ang plano ng bagong uupong ICM sa pagpapatakbo ng patuloy na kaunlaran ng rehiyong Bangsamoro sa nalalabing transition period bago isagawa ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election sa October 13, 2025. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Mindanao Women Advocacy for Good Governance, BMN Launches “Diwa ng Ramadhan, Bahagi ka Muslimah” Talk-show Program
Next post BMN Kabilang sa Safety Conference para sa Kababaihang Mamamahayag na Isinagawa ng IAWRT