
BMN Kabilang sa Safety Conference para sa Kababaihang Mamamahayag na Isinagawa ng IAWRT

QUEZON CITY (Ika-10 ng Marso, 2025) — Kabilang ang Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc. sa isinagawang “Safety Conference for Women Journalists: Gendered Experiences in Election Coverage” na pinangunahan ng International Association of Women in Radio and Television (IAWRT) Philippines nitong Marso 8-9 sa Robbinsdale Hotel, Quezon City.
Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng pasasalamat si Jola Dioles-Mamangun, IAWRT International President, sa mga sumuporta sa nasabing pagtitipon. “Pasalamatan natin ang mga sponsor ng ating pagtitipon, ang parating nakasuporta sa mga proyekto ng IAWRT, ang British Embassy Manila, na laging nakasubaybay sa pagpaplano para sa dalawang araw,” ani Mamangun.
Sa unang araw ng kumperensya, tinalakay ang iba’t ibang mahalagang paksa tulad ng Introduction on Elections in the Philippines, Identifying Stories in Your Community, Ethics and Safety in Covering Elections. Nagkaroon din ng workshop na tumuon sa lokal na sitwasyon kaugnay ng halalan.
Samantala, sa ikalawang araw, isinagawa ang Planning Session for the Safety of Women Journalists in the Upcoming Elections at diskusyon tungkol sa Digital Safe House and Collaboration Platform for Women Journalists in the Philippines. Nagbigay rin ang mga partisipante ng kanilang mga natutunan at pananaw sa isinagawang Public Forum on the Safety of Women Journalists in the Upcoming Elections.
Layunin ng nasabing kumperensya na bigyang-halaga at ipaalam ang kahalagahan ng kaligtasan ng kababaihang mamamahayag sa Pilipinas, kabilang ang nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)