Palestinian envoy sa Ankara, sinabi na sinisira ng Israel ang 2-state solution
COTABATO CITY (Ika-10 ng Oktubre, 2024) — Nanawagan ang ambasador ng Palestinian sa Türkiye, na si Faed Mustafa para sa agarang aksyon laban sa Israel, na inaakusahan ng pagsira sa 2-state solution na kanyang inilahad sa isang kumperensya, noong Miyerkules, sa lumalawak na kaguluhan sa bansang Palestine.
Sa ulat ng aNEWS, ayon pa kay Mustafa sa pagbubukas ng “One Year After Israel’s Gaza Genocide and Its Regional Effects Conference”, na inorganisa ng Foundation for Political, Economic and Social Research (SETA), habang ang buong mundo ay nanawagan ng 2-state solution ngunit patuloy anyang nagsisikap ang Israel na sirain, patayin, at lipulin ang kasunduan.
Binigyang-diin ni Mustafa na ang mga patayan at krimen na pinasimulan ng mga pag-atake ng Israel ay tuloy-tuloy na kumakalat sa buong Gitnang Silangan.
Sa kabila ng mga hadlang, pinatunayan ni Mustafa na hindi tatalikuran ng Palestine ang layunin ng pagtatatag ng isang malaya at independiyenteng estado, at patunay dito ang kanilang mga kasamang mga bansa at mamamayan nito ang sumusuporta sa Palestine.
Binigyang-diin din niya ang mga pag-atake ng Israel sa Lebanon at pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Tel Aviv at Iran. Nagbabala siya na kung hindi ititigil ang Israel, mas malaki ang magiging epekto nito at anya pa ang Israel ang pangunahing pinagmumulan ng tensyon sa rehiyon.
Punto pa ni Mustafa na ang patuloy na suporta sa logistical, pampulitika at militar na ibinibigay ng US sa Israel ay nagpapalakas sa administrasyon sa Tel Aviv.
Nagpahayag siya ng pasasalamat sa suporta mamamayan ng Turkey at mga institusyong nagbibigay ng karangalan sa mga Palestinian.
Dagdag pa sa ulat, sa kabila ng resolusyon ng UN Security Council na nanawagan para sa agarang tigil-putukan ay patuloy parin ang brutal na pag-atake ng Israel sa Palestine, sa Gaza Strip mula noong lumusob ang Palestinian resistance group na Hamas, noong Oktubre 2023.
Sa ngayon ay higit 42,000 biktima na ang namatay, karamihan ay mga babae at bata, at mahigit 97,300 ang nasugatan sa pagsalakay, ayon sa mga awtoridad ng Ministry of Health sa bansang Palestine. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)