
Dalawang Bangsamoro, Topnotchers ng CPA Licensure Exam

COTABATO CITY (Ika-23 ng Agosto, 2024) — Dumalaw kay Minister Mohagher Iqbal ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang dalawang topnotchers ng nakaraang Certified Public Accountant (CPA) Licensure Examination na ginanap noong ika-26 ng Mayo.
Ang dalawang topnotchers ay sina Norjannah Tanga ika-7 mula sa Mindanao State University (MSU)-Marawi City at Rustom Lamasao ika-10 na mula sa Notre Dame University (NDU).
Sa kanilang pagbisita, pinuri ni Minister Iqbal ang kanilang dedikasyon, pagsisikap, at hangaring makamit ang tagumpay. Ayon sa kanya, ang mga natatanging tagumpay nina Lamosao at Tanoga ay patunay ng kanilang walang pagod na pag-aaral at matibay na determinasyon upang maabot ang kanilang mga pangarap.
Ipinahayag din ng ministry ang kanilang labis na pagmamalaki sa mga tagumpay ng dalawang topnotchers. Ayon sa MBHTE, ang kanilang mga tagumpay ay isang huwarang halimbawa ng sipag at husay sa larangan ng accounting. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)