Mamamahayag sa Mindanao, Pinag-usapan ang Pagprotekta, Pagpapalakas ng Lokal at National Media
COTABATO CITY (Ika-17 ng Agosto, 2024) — Ang Mindanao Institute of Journalism (MIJ) kasama ang International Media Support (IMS) ay nagsagawa ng diskusyon hinggil sa “Conversations on Media Impact: Safeguarding and Strengthening Local and National Media in the Public Interest” na ginanap nitong Biyernes, ika-16 ng Agosto sa Jehan Hall, Alnor Convention Center, Cotabato City.
Layunin ng diskusyon na ito na ipakilala ang proyekto ng Media Impact Philippines sa iba’t ibang stakeholder at tukuyin ang mga posibleng paraan ng pakikipagtulungan at koordinasyon.
Ang diskusyon ay nagsimula sa pamamagitan ng moderated dialogues na tumatalakay sa Mindanao Journalism Dialogues: Conversation on the State, Challenges, and Prospects for the Working Press in the Bangsamoro, na pinangunahan ni Dr. Jose Jowel Canuday, Chief Executive Officer ng MIJ.
Ang mga kalahok mula sa Island provinces at mainland Mindanao ay nagbahagi ng kani-kanilang pananaw batay sa mag naging karanasan bilang mga tagapagbalita. Kabilang sa mga kalahok ay si Faydiyah S. Akmad, Executive Director ng Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc., kasama rin ang MindaNews na nakabase sa Davao City na matagal nang panahong tumututok sa Bangsamoro peace process, lokal na himplan ng radyo sa Cotabato City, Bangsamoro Information Office (BIO-BARMM) — ang arm information ng Bangsamoro government sa loob ng Office of the Chief Minister, at civil society organization katulad ng Balay Mindanaw.
Sa hapon ng nasabing araw pinag-usapan ang pag-usbong ng mga hamon na kinakaharap ng media , lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), pinangunahan ito ng International Media Support kasama ang Mindanao Institute of Journalism na siyang nagpadaloy ng pag-uusap.
Tinalakay ang presensya ng IMS sa Asya, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapalakas ng media hindi lamang sa kakayahan ng mga indibidwal na mamamahayag kundi pati na rin sa kabuuan ng kanilang mga organisasyon. Hangarin nitong matiyak na ang media ay patuloy na magiging maaasahang tagapagbigay ng impormasyon na may malaking ambag sa pampublikong interes.
Ayon kay Dr. Jose Jowel Canuday, Chief Executive Officer ng MIJ, isa sa mga pangunahing adbokasiya ng IMS ay ang pagpapalakas ng kaligtasan ng mga mamamahayag, lalo na sa mga rehiyong katulad ng BARMM. Inilahad din niya na ang kanilang programa sa kaligtasan ay nakaangkla sa United Nations’ Plan of Action on the Safety of Journalists.
Samantala, binanggit ni Robby Alampay, Regional Adviser, Asia Program ng IMS, ang konsepto ng pagbuo ng isang Public Journalism Fund para sa BARMM upang suportahan ang mga lokal na mamamahayag sa pagtalakay ng mga mahahalagang isyu tulad ng nalalapit na unang BARMM parliamentary elections, pagbabago ng klima, at paglaban sa disinformation.
Nagpahayag naman ang partisipante ng BIO-BARMM, sa pamamagitan ng kanilang Public Relations Officer na si Sittie Nurjannah S. Datuali ng suporta sa programa. Aniya, ang kanilang tanggapan ay nagsisilbing sentro ng impormasyon ng gobyerno ng Bangsamoro, at kinikilala nila ang kahalagahan ng pag-unlad ng proseso ng media at ng mas mahusay na pagbibigay ng impormasyon sa rehiyon at sa buong bansa.
Sa kabuuan, ang bagong programa ay nagpapakita ng isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapatatag ng media sa BARMM. Tiwala ang mga kasapi ng proyekto na sa pamamagitan ng pagsasanib-puwersa ng mga lokal na mamamahayag, mga organisasyon, at iba’t ibang sektor, maging mas matatag at mapagkakatiwalaan ang media sa rehiyon, na maghatid ng tama at napapanahong impormasyon para sa kapakanan ng lahat. (Sahara A. Saban, Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)