BARMM Chief Minister Ebrahim, Tiniyak ang Suporta at Aksyon ng Bangsamoro Government sa mga Apektado ng Pagbaha sa MDN at LDS
COTABATO CITY (Ika-12 ng Hulyo, 2024) — Muling binigyang-diin ni Bangsamoro Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim sa kanyang mensahe ang pangako ng gobyerno sa kahandaan at pagtugon sa sakuna matapos ang matinding pagbaha sa Maguindanao del Norte (MDN) at Lanao del Sur (LDS).
Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kahandaan at mabilis na aksyon, “Nananatili ang Bangsamoro Government na nakaantabay at nakaalalay sa inyo.”
Ang pagbaha na dulot ng malakas na ulan mula sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) noong Martes ng hapon ay nakaapekto sa iba’t ibang munisipalidad. Sa bayan ng LDS ay may 3,545 apektadong pamilya: 1,845 sa Malabang, 1,617 sa Balabagan, at 83 sa Marogong.
Sa MDN naman ay 648 pamilya ang naapektuhan, 486 sa Barira at 162 sa Matanog. Bilang tugon dito, mabilis na nagmobilisa ang Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) ng mga Quick Response Teams. Ang mga team na ito ay nakipagtulungan sa mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) at lokal na DRMMOs sa pagsasagawa ng mga Search and Rescue Operations.
Binanggit din ni Ebrahim ang kooperatibong pagsisikap ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Marines, na lubos na nakatulong sa mga operasyon ng relief. Nagsagawa rin ang Ministry of Public Works (MPW), kasama ang mga apektadong lokal na pamahalaan (LGUs), ng mga road-clearing operations. Ang mga pagsisikap na ito ay nagtitiyak ng maayos na paghahatid ng mga pangunahing kalakal at serbisyong panlipunan sa mga apektadong komunidad.
Naglabas din ng mga direktiba ang Bangsamoro DRRM Council upang palakasin ang mga estratehiya sa kahandaan at pagtugon sa mga susunod na weather disturbances sa rehiyon ng BARMM. Hinikayat din ni Chief Minister Ebrahim ang publiko na manatiling alerto at makipagtulungan sa mga awtoridad sa panahon ng mga kalamidad. Binanggit niya ang pangangailangan ng wastong impormasyon at kaalaman ng publiko sa panahon ng sakuna.
“Mahalaga na ang mga mamamayan ay maging alerto at magkaroon ng sapat at totoong kaalaman hinggil sa nararanasang sakuna. Ipagdasal natin ang kaligtasan ng mga mamamayan, kabilang ang ating mga Search and Rescue Teams,” mensahe ni Chief Minister Ebrahim.
Patuloy na pinaprayoridad ng administrasyon ni Ebrahim ang pagpapahusay ng mga serbisyong panlipunan upang mabawasan ang kahinaan sa mga sakuna, na naaayon sa kanyang ikawalong prayoridad na agenda. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)