PWDs sa SGA Tumanggap ng Cash Assistance mula sa Bangsamoro Gov’t.
COTABATO CITY (Ika-8 ng Hulyo, 2024) — Ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pamamagitan ng “Kalinga para sa may Kapansanan Program” ay nagbigay ng tulong pinansyal sa 2,373 Indigent Persons with Disabilities (PWDs) mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Special Geographic Area (SGA), noong ika-2 ng Hulyo.
Sa pahayag ng MSSD, tumanggap ang bawat benepisyaryo ng PhP3,000 cash, na sumasakop sa kanilang buwanang subsidy na PhP500 para sa unang kalahati ng taon.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang munisipalidad ng bagong tatag na walong (8) munisipyo ng SGA, ang 394 ay mula sa munisipalidad ng Tugunan, 381 mula sa Malidegao, 373 mula sa Kapalawan, 289 mula sa Pahamuddin, 274 mula sa Ligawasan, 266 mula sa Kadayangan, 213 mula sa Old Kabacan, at 183 naman ay mula sa Nabalawag.
Sa ilalim ng Kalinga program, ang mga PWD ay mayroong karapatan na mabigyan ng PhP500 monthly allowance upang makatulong ito sa kanilang pangunahing pangangailangan sa buhay.
Ang inisyatibang ito ng MSSD ay naglalayong magbigay ng tulong at suporta sa mga PWD sa komunidad at kilalanin ang kanilang mga pagsubok at bigyang prayoridad ang kanilang kapakanan. (Sopia A. Angko, MSU-Maguindanao OJT ABIS Student, BMN/BangsamoroToday)