MP Kelie Antao, nagsagawa ng oryentasyon para sa SGA Mayoral at Vice-Mayoral Aspirants
COTABATO CITY (Ika-20 ng Hunyo 2024) — Nagsagawa ng isang mahalagang oryentasyon ang tanggapan ni MP Mohammad Kelie U. Antao katuwang ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) para sa mga mayoral at vice-mayoral aspirants ng Special Geographic Area (SGA) na ginanap sa Hill Park Hotel, Poblacion 8, Midsayap, Cotabato at may temang “Islamic Enlightenment on Positivism in Nurturing a Newly Created Community: A Reflection with the Aspirants of Political Positions in the Special Geographic Area” noong ika-18 ng Hunyo.
Layunin ng oryentasyon na ito na maiwasan ang mga hindi kaaya-ayang reaksyon mula sa mga aspirants sa sandaling ilabas na ng Bangsamoro Government ang listahan ng mga itatalagang local government officials ng SGA. Umaasa si MP Antao na ang desisyon ng screening committee ng BARMM ay matatanggap ng maluwag sa damdamin ng bawat isa at mapanatili ang kanilang pagkakaisa at suporta sa mga mapipiling OIC Mayor, Vice-Mayor, at Councilors ng walong bagong tatag na munisipyo sa SGA.
Ang mga tagapagsalita at lecturer sa nasabing oryentasyon ay kinabibilangan nina Prof. Iskak Hasim ng IMEAS-USM, Prof. Shiekh Abdulhadi T. Daguit ng BTA Office of MP Mohagher Iqbal, Shiekh Marhan M. Borhan, Shiekh Mohammad Jamil Esmail, at Shiekh Nhorul-Am Abdullah mula sa BTA Office ni MP Mohammad Pak.
Dinaluhan ang programa ng mahigit dalawang daang participante kasama ang mahigit tatlumpung aplikante para sa pagka-OIC Mayor at mahigit apatnapung aplikante para sa pagka-OIC Vice-Mayor. Pinangunahan ni Dr. Alimen Sencil, Chief of Staff ng tanggapan ni MP Antao, ang facilitation ng aktibidad.
Naging matagumpay ang naturang oryentasyon at inaasahan ni MP Antao na ang bawat aspirant ay patuloy na magbibigay ng kanilang buong suporta sa mga mapipili sa posisyon, sa layuning mapaunlad ang Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, and Ligawasan na walong bgong bayan sa SGA mula sa mga bayan ng North Cotabato na pormal nang nahiwalay sa pamamagitan ng pagboto ng yes sa naklipas na plebesito. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)