UBJP sa Cotabato City, Patuloy sa Paglakas – Mayor “Bruce” Matabalao
COTABATO CITY (Ika-17 ng Hunyo, 2024) — Binigyang-diin ni Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang kasaysayan at paglakas ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa Cotabato City sa kanyang talumpati sa ginanap na General Assembly ng UBJP sa lungsod, ngayong araw ng Lunes, ika-17 ng Hunyo, sa Cotabato State University (CSU) Oval, Rosary Heights 4 sa lungsod.
“Noong 2019 plebisito, ipinakita na natin ang ating kakayahan para maipanalo ang “YES to BOL” at that time nag-uumpisa pa lang ang ating pagsali sa political exercise. Hindi ito simpleng tagumpay, it was a landslide victory for YES to BOL,” ani Mayor Matabalao.
Binanggit din niya ang makasaysayang tagumpay noong 2022 Local at National Elections. “Sa kauna-unahang pagkakataon, nag-file ng kandidato sa Cotabato City ang UBJP. Alam natin na higante ang naging kalaban ng partido pero dahil nagkaisa tayo, muli nating ipinakita ang lakas ng UBJP. It was again a landslide victory for UBJP and Cotabato City.”
Ayon kay Mayor Matabalao, patuloy ang paglakas ng partido hindi dahil sa masigasig na pag-recruit o anumang inaalok sa kababayan, kundi dahil nakikita ng lahat ng taga-Cotabato City ang UBJP brand of leadership na totoong para sa lahat.
“Mr. President [Ebrahim], I am very happy to report to you, na sa ngayon ay mayroon na tayong 20 out of 37 barangay chairman na nagpahayag officially ng kanilang pagsama at pagsuporta sa UBJP, dalawampung barangay chairman at napakaraming barangay kagawad,” ani Mayor Matabalao.
Dagdag pa niya, “Mr. President, madakel ged e p’gkyug bagunot uged na silent bu ged saguna. Ang pinag-uusapan lang natin dito ay suporta ng barangay officials. Alam naman natin na mula pa noong sumali ang MILF through UBJP sa Political Exercise sa Pilipinas noong 2019 ay buo, intact, at hindi matinag ang ating mga organize group sa lahat ng 37 barangay sa Cotabato City.”
Hinimok ni Mayor Matabalao ang lahat ng mga barangay officials at mga executive officers ng partido sa 37 barangays na magkaisa.
“Hindi ko na alam kung saan pa nanggagaling yung mga haka-haka na tayo ay nahihirapan sa Cotabato City. Sa inyo pong lahat na nandirito ngayon na patuloy na nagsasakripisyo at nag-aalay ng inyong dedikasyon sa United Justice Party, hihiramin ko yung famous line na binitawan ni Governor Abdulraof Macacua noong ating General Assembly, “UBJP, Matu Tanu!” (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)