BARMM Nagkaisa sa Pagsasagawa ng BIDA Program Laban sa Iligal na Droga
COTABATO CITY (Ika-13 ng Hunyo, 2024) – Sa ilalim ng kampanya ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), matagumpay na isinagawa ang BIDA Fun Run dito sa Lungsod na dinaluhan ng mga kawani mula sa iba’t ibang ministeryo, tanggapan, at ahensya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City.
Pinangunahan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Government ang naturang aktibidad, katuwang ang mga ministeryo ng kalusugan, edukasyon, at social welfare, kasama ang Women and Youth Commissions, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP). Ito ay bahagi ng adhikain ng pamahalaan na labanan ang ilegal na droga upang mabawasan ang pangangailangan nito sa mga komunidad.
Sa Press Conference na ginanap sa MILG People’s Center, umaga ng Huwebes, si MILG Minister Sha-Elijah Dumama-Alba, kasama ang mga kinatawan ng PDEA-BARMM, PNP PROBAR, Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, at BARMM Senior Minister Abunawas Maslamama ang nanguna sa pagdaraos ng fun run.
Ayon sa representatives ng PDEA, bagaman may mga pagkakakulong na kaugnay sa droga, mababa pa rin ang conviction rate kumpara sa ibang rehiyon ng Pilipinas. Binanggit ng ahensya na kanilang paglaan ng pansin ang legal offensive upang tiyakin na ang mga kaso ay hindi mababalewala at upang mas mapatibay ang testimonya ng mga law enforcement unit. Sa Region 12, nagkaroon ng 85.9% conviction rate dahil sa masusing pagtutok sa mga kaso.
Sa panig naman ni MP Dumama-Alba, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng activation at functioning ng Local Anti-Drug Abuse Council (NADA). Mahalaga umano ito upang matukoy ang mga personalidad na kailangang bantayan ng mga ahensya ng pagpapatupad ng batas. Kasama rin ito sa mga capacity building activity ng kanilang ministeryo.
“Isa sa mga tutukan ng MILG is the activation and functioning ng NADA yong Local Anti Drug Abuse Council dahil isa ito sa mga mechanism na kakailanganin natin na malaman para kung sino yong mga personalities na kailangan tutukan ng mga law enforcement agencies, kasama po yan sa mga capacity building activity ng ating Ministry,” wika ni Dumama-Alba.
Nagpahayag din ng suporta si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “No inspection, No entry policy” sa lungsod. Layunin nito na masiguro ang seguridad sa entry at exit points ng lungsod, na isang mahalagang hakbang laban sa ipinagbabawal na droga.
“Recently I issued executive order na ipinagbabawal talaga naman ang pagpasok sa Cotabato City na walang inspection yon ay nasa Sangunian narin para hingian natin ng ordinance na maging permanent ang implementation na No inspection, no entry policy,” pahayag ni Mayor Matabalao.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga local government units (LGUs) sa anti-drug operations. Binanggit nila na ang pagiging aktibo ng mga LGUs ay isa sa mga batayan para sa Seal of Good Local Governance (SGLG). Dapat umanong matiyak na ang mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ay aktibo at functional upang mas mapalakas ang laban kontra droga.
Ang BIDA Program ay isang malaking bahagi ng kampanya ng Pilipinas kontra ilegal na droga na layuning magkaroon ng isang drug-free sa Bangsamoro. Sa Bangsamoro Government, ang programang ito ay may kasamang mga component na nakatuon sa prevention, upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng komunidad laban sa banta ng droga. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)