MBHTE, Project TABANG Nagbigay ng Malawakang Tulong sa Dalawang Probinysa ng BARMM
COTABATO CITY (Ika-13 ng Hunyo, 2024) – Nakiisa ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) kasama ang Office of the Chief Minister at iba pang mga ministeryo, opisina, at ahensya ng BARMM sa Tabang Bangsamoro Convergence Program na ginanap sa Probinsya ng Tawi-Tawi. Ang programang ito ay inisyatiba ni Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim na pagsamahin ang mga gawain ng mga ministeryo at ahensya ng Bangsamoro upang maghatid ng agarang pangunahing tulong sa mga nangangailangan.
Bilang bahagi ng kanilang suporta at pakikilahok, namahagi ang MBHTE, sa pamamagitan ng Property and Supply Section nito, ng iba’t ibang gamit pang-eskwela sa Tawi-Tawi Schools Division Office (SDO). Ang mga ipinamahaging kagamitan ay kinabibilangan ng
138 printer, 161 laptop, 1,065 tablet, 222 wall fan, 16 risograph, 7 photocopying machine, 81 kahon ng bond paper, 198 heavy-duty stapler, 351 kahon ng staple wire, 1,608 staple remover, 111 tumbler.
Samantala, sa Maguindanao del Sur, ang Office of the Chief Minister, sa pamamagitan ng Project TABANG, ay namahagi ng 25 kilong sako ng bigas at mga food pack sa mga Internally Displaced Persons (IDPs) sa Barangay Dasikil, Mamasapano, at Barangay Bakat, Shariff Saydona noong Miyerkules, ika-12 ng Hunyo. Humigit-kumulang 100 IDPs at pamilya ang naapektuhan ng armadong labanan sa mga lugar ng Mamasapano at Shariff Saydona.
Ang pamamahagi na ito ay pinangunahan ni Assistant Senior Minister at Project Manager Abdullah “Dong” Cusain, na kinatawan ni Deputy Project Manager Abobaker I. Edris, kasama ang kanilang field team mula sa project management office.
Ayon sa impormasyon ng BMN/BangsamoroToday, ang Project TABANG, o “Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan”, ay isang inisyatiba ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na pinangungunahan ng Office of the Chief Minister.
Ito ay isang mahalagang programa na tumutulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad ng Bangsamoro at upang masiguro na ang bawat isa ay mabigyan ng serbisyong kinakailangan para sa kanilang kaligtasan at kaunlaran. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)