Hidwaan ng Armadong Grupo sa Maguindao del Sur, humupa na sa inisyatiba ng PSRO Office of the Chief Minister
COTABATO CITY (Ika-12 ng Hunyo, 2024) — Sa impormasyon ng BMN/BangsamoroToday mula sa Peace, Security and Reconciliation Office (PSRO) ay pinauwi na rin ang mga civilian sa Barangay Dasikil, Mamasapano at Barangay Bakat Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur na naapektuhan ng kaguluhan ng dalawang armadong grupo sa lugar.
Ayon sa PSRO, nagpaabot din ng tulong ang Office of the Chief Minister’s BARMM TABANG ng mga sako-sakong bigas sa apektadong pamilya.
Naging maayos ang pag-uusap ng magkalabang grupo sa pamamagitan ng PSRO kasama ang Militar, dagdag sa ulat.
“Nawa’y tuloy tuloy na ang kapayapaan sa dalawang barangay In Shaa Allah,” ayon pa sa post ng PSRO sa kanilang social media Facebook page ngayong araw ng Miyerkules.
Matatandaan na noong ika-10 ng Hunyo ay ginanap ang peace dialogue sa pagitan ng grupo nila Zainudin Kiaro, Guaihod Hassim, Ben Tikao ng 105th BC at grupo nila Dagadas Alim at Badrudin Inda ng 118th BC sa Barangay Pimbalakan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Sinabi ng PSRO na layunin ng peace dialogue na tuldukan ang hidwaan ng magkabilang grupo.
“Nawa’y ito na ang magiging susi sa pangmatagalang kapayapaan sa Brgy. Pimbalakan at Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur,” pahayag pa ng PSRO. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)