Supplementary Feeding Program Ipinakilala sa BARMM upang Labanan ang Undernutrition
COTABATO CITY (Ika-23 ng Mayo, 2024) — Ang Supplementary Feeding Program (SFP) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay ipinakilala sa programang “Bangsamoro Muna: MSSD At Your Service” noong Sabado, Mayo 18, 2024 na kabilang ang Bangsamoro Multimedia Network (BMN) sa official na online livestream nito. Ang programa ay pinangunahan nina Zamrah Z. Sedik, RND, Nutritionist-Dietitian II at Focal Person ng SFP, at Jomael W. Mama, RSW, Social Welfare Officer II.
Ayon kay Sedik, ang SFP ay may legal na basehan sa ilalim ng RA11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. Layunin ng batas na tugunan ang problema ng undernutrition sa mga batang Pilipino sa pamamagitan ng National Feeding Program sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang programa ay naglalaan ng karagdagang pagkain para sa mga bata sa Child Development Centers (CDCs) at Supervised Neighborhood Plays (SNPs) upang mapabuti ang kanilang nutritional status. Ang mekanismo ng pamamahagi ng pagkain ay para sa mga batang naka-enroll sa CDCs at SNPs.
Sa mga nakaraang taon, nagbibigay ang programa ng “dry ration” o hindi pa lutong pagkain sa bawat bata. -Ayon sa MSSD, sa ngayon ay “hot meals” na ang ipinamimigay kung saan ang mga nanay o caregiver ang nagluluto ng pagkain sa CDCs. Nakabase ang mga pagkain sa cycle ng menu, tulad ng ginataang munggo, at sumusunod sa recommended energy and nutrient intake para sa bawat edad.
Bago magsimula ang programa, kinukuha ang edad, timbang, at sukat ng tangkad ng mga bata at sinusubaybayan ito kada buwan upang malaman ang pagbabago sa kanilang nutritional status. Ang hot meals ay ibinibigay tuwing oras ng pagkain o meryenda ng mga bata. Isinasagawa ito mula lima hanggang pitong beses kada linggo sa loob ng 120 araw.
Ayon sa initial data ng 2023 implementation, mayroong 13 cycle at 72,028 beneficiaries. Sa mga ito, 79.53% ay normal, 18.93% ay underweight, 0.78% ay severely underweight, at 0.70% ay overweight. Target beneficiaries ng programa ang mga batang edad 2-4 taon sa SNPs, 3-4 taon sa CDCs, at 5 taong gulang na hindi pa naka-enroll sa preschool ngunit nasa CDCs.
Para makapag-enroll sa CDCs o SNPs, kinakailangan ang Birth Certificate, Enrollment Form/Child Information Sheet, at ID Picture.
Sa 2024 implementation, may target na 87,879 beneficiaries at magsisimula ito sa buwan ng Oktubre.
Nagpaalala rin si Sedik sa mga magulang na gamitin ang mga serbisyo ng MSSD at ibang ministries, tulad ng deworming at vitamin A supplementation, na mahalaga sa kalusugan ng mga bata. Binibigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga bata na kumain ng masusustansyang pagkain mula sa murang edad, lalo na ang mga “go, grow, at glow foods” tulad ng gulay.
Ang SFP ay isang mahalagang hakbang upang masiguro ang kalusugan at tamang nutrisyon ng mga bata sa BARMM, isang patunay ng dedikasyon ng rehiyon sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga batang Pilipino at Bangsamoro. (Sahara A. Saban, BMN/BangasamoroToday)