DILG Sec. Abalos opisyal ng tinanggap ang 294 PNP na recruit sa ilalim ng MILF at MNLF recruitment program
COTABATO CITY (Ika-28 ng Disyembre, 2023) — Opisyal na tinanggap ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nitong Huwebes sa puwersa ng pulisya ng bansa ang 294 na recruit sa ilalim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) recruitment program.
Pinangunahan ni Abalos ang makasaysayang oath-taking at turnover ceremonies ng bagong 255 lalaki at 39 na babae na sumapi sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa Camp Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte.
Sa kanyang mensahe, binati ni Abalos ang mga bagong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at hinimok silang mamuhay sa mantra ng PNP na pagsilbihan at protektahan ang mamamayang Pilipino.
“The uniform you are wearing now does not symbolize authority. It’s not all about prestige, (Ang uniporme na suot mo ngayon ay hindi simbolo ng awtoridad. It’s not all about prestige), ayon kay Abalos.
Dagdag pa niya: “Ang mas mahalaga, it represents a commitment to uphold the rule of law as well as a promise to serve the community with honor and integrity, (Ang mas mahalaga, ito ay kumakatawan sa isang pangako na itaguyod ang tuntunin ng batas gayundin ang isang pangako na paglingkuran ang komunidad nang may karangalan at integridad)”.
Pupunan ng bagong 294 na recruit ang 400 slots na ibinigay sa ilalim ng MILF at MNLF Recruitment Program para sa CY 2023. Sasailalim ang recruit sa anim na buwang field training program.
Hinamon ni Abalos ang mga bagong recruit na tapusin ang training program at magsilbing inspirasyon sa kanilang mga kasama sa MILF at MNLF.
Nais ng DILG Secretary na magsilbing inspirasyon ang mga ito sa mga dati nilang kasama na makiisa sa pamahalaan at sa buong mamamayang Pilipino sa pagkamit ng kapayapaan at sustainable development.
“Marami na kayong pinagdaanan at ipangako n’yo sa akin na hindi na kayo aatras,” wika ni Abalos .
Napagtagumpayan ng mga recruit ang mahigpit na proseso ng recruitment ng PNP, kabilang ang pagpasa sa special qualifying eligibility examination at physical agility test kaya sila ang napili.
Nakapasa din sila ng comprehensive medical assessment na binubuo ng mga psychological at psychiatric na eksaminasyon, at drug tests.
Ang pagpasok ng mga dating miyembro ng MILF at MNLF sa PNP ay sakop ng Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law, na pinagtibay pagkatapos ng paglagda sa isang kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Nanumpa ang unang batch ng 102 MILF at MNLF recruits bilang miyembro ng PNP noong Agosto 10 nitong taon. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)