
Hamas, Kinondena ang Desisyon ng “Israel” na Sakupin ang Gaza City

COTABATO CITY (Ika-9 ng Agosto, 2025) — Kinondena ng Hamas ang desisyon ng Security Cabinet ng Israel na sakupin ang Gaza City, na tinawag nitong isang “bagong krimen sa digmaan” laban sa halos isang milyong residente.
Ayon sa Hamas, ang plano ay paglabag sa Geneva Conventions at bahagi ng patuloy na “genocide at ethnic cleansing” ng Israel sa mga Palestinian. Iginiit din ng grupo na ang paggamit ng salitang “kontrol” sa halip na “pananakop” ay pagtatangkang umiwas sa legal na pananagutan.
Dagdag pa ng Hamas, bukas sila sa isang kasunduang magpapalaya sa lahat ng bihag kapalit ng tigil-putukan at pag-atras ng mga puwersa ng Israel, ngunit inakusahan si Netanyahu ng pagsasakripisyo sa kapakanan ng mga bihag sa halip na ituloy ang negosasyon.
Binalaan ng Hamas ang Israel na ang hakbang na ito ay may malaking kabayaran at hindi magiging madali, dahil hindi kailanman masisira ang paglaban ng mga Palestinian sa kanilang karapatan.
Samantala, inanunsyo ng tanggapan ni Netanyahu na inaprubahan ang planong kontrolin ang Gaza City bilang bahagi ng kampanya laban sa Hamas, habang ipinapamahagi umano ang tulong sa mga sibilyan sa labas ng labanan. Giit ng Israel, nais lamang nitong magkaroon ng security perimeter at ipasa ang pamamahala sa mga “pwersang Arabo.” (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)