MENRE, Dumalo sa International Workshop para sa UNESCO World Heritage Nomination

(Litrato mula sa MENRE-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-28 ng Mayo, 2025) — Lumahok ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Biodiversity, Ecosystems, Research, and Development Services (BERDS), sa International Workshop on Quality Nominations for World Heritage Sites in Southeast Asia na ginanap sa Maynila noong ika-20 hanggang ika-22 ng Mayo. Layunin ng kanilang pagdalo na mas mapalakas ang pagsusumikap para makamit ang UNESCO World Heritage recognition para sa Turtle Islands Wildlife Sanctuary (TIWS).

Ang workshop ay inorganisa ng UNESCO National Commission of the Philippines (UNACOM), DENR-Biodiversity Management Bureau (BMB), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Dito ay tinuruan ang mga heritage professionals kung paano gumawa ng dekalidad na nomination dossiers, lalo na at simula 2027 ay magiging mandatoryo na ang Preliminary Assessment para sa lahat ng bagong nominasyon. Binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng pagpapakita ng Outstanding Universal Value (OUV) ng mga site upang pumasa sa mahigpit na pamantayan ng UNESCO.

Kinatawan ng MENRE sa workshop sina BERDS Director Mohammad Ali R. Dimaren, Protected Area Management Division (PAMD) Chief Joeffry L. Kamid, at TIWS Protected Area Superintendent Minda J. Bairulla.

Ang Turtle Islands Wildlife Sanctuary ay kasalukuyang nasa Tentative List ng Pilipinas para sa UNESCO World Heritage nomination. Ipinapakita nito ang lumalakas na hakbang para mapangalagaan ang mga lugar na may mahalagang ekolohikal at kultural na kahalagahan.

Patuloy namang magtutulungan ang MENRE at iba pang regional stakeholders upang mapahusay pa ang nomination dossier, palakasin ang mga ugnayan, at suportahan ang kolektibong layunin ng pangangalaga sa mga pamanang lugar sa buong Timog-Silangang Asya. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 258 Mahihirap na Pamilya sa Kapalawan, SGA, Tumanggap ng Emergency Shelter Assistance
Next post CBOs in Maguindanao del Norte receive financial assistance from the Bangsamoro Government