
MBHTE, nagtalaga ng 626 bagong guro at kawani sa SDO Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-21 ng Marso, 2025)— Isinagawa ang isang malaking seremonya ng paglagda ng appointments at pagkuha ng oath noong ika-20 ng Marso sa Cotabato State University Gymnasium, kung saan itinalaga ang 626 na guro, non-teaching staff, at mga personnel na may kinalaman sa pagtuturo mula sa Schools Division Office (SDO) ng Maguindanao del Sur, sa ilalim ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).
Sa kabuuang bilang, 578 ang bagong-hire na Teacher I, 39 ang bagong-promote, at 9 naman ang non-teaching personnel. Dagdag pa rito, dalawang personnel mula sa MBHTE Main Office ang itinatalaga rin.
Ang mga ito ay nakapasa sa mahigpit na proseso ng pag-hire na isinagawa ng Regional Human Resource Merit Promotion and Selection Board ng Ministry, at ngayon ay bahagi na ng mga kawani na magsusustento ng makatarungan at dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral sa Bangsamoro.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Minister Mohagher M. Iqbal ang mahalagang papel ng mga guro sa pagpapanday ng kinabukasan ng edukasyon sa Bangsamoro.
“As MBHTE regional employees, you are equally vital in ensuring that our education system functions effectively and efficiently. Your work in administration, policy implementation, and governance helps sustain the programs that bring quality, inclusive, and accessible education to our learners,” ani ni Iqbal.
Ipinunto rin ni Bangsamoro Transition Authority’s Committee on Basic, Higher, and Technical Education Chairperson, Member of Parliament Eddie M. Alih, ang kahalagahan ng edukasyon sa pagbabago ng buhay.
“Nagsisimula ang magandang kinabukasan pag may edukasyon… Kayo pong mga guro ang nagbibigay inspirasyon sa mga batang walang kakayahang mag-aral,” wika ni Alih.
Ang mga guro ay buong pusong tinanggap ang hamon ng pagiging tapat at maaasahang tagapagturo, at patuloy na magsusulong ng inklusibo, makabago, at makatarungang edukasyon para sa lahat. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)