MP Arnado Kabahagi sa Nagbigay sa Mag-aaral ng Tupig National High School ng mga Kagamitang Pang-Eskwela mula sa Project IQBAL

(Litrato mula sa opisina ni MP Atty. Marry Ann M. Arnado)

COTABATO CITY (Ika-6 ng Marso, 2025) — Sa pangunguna ng opisina ni MP Atty. Mary Ann M. Arnado at sa pakikipagtulungan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE), namahagi ng mga kagamitang pang-edukasyon sa mga mag-aaral ng Tupig National High School sa pamamagitan ng Project IQBAL.

Ang Project IQBAL (Improve Quality Education in the Bangsamoro Land) ay isang pangunahing programa ng MBHTE sa pamumuno ni Minister Mohagher M. Iqbal na naglalayong mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa Bangsamoro.

Noong nakaraang buwan, nagsagawa ng rapid assessment sina Yul Olaya ng MBHTE at Samira Usman mula sa opisina ni MP Arnado, kasama ang dalawang volunteer teachers mula sa University of the Philippines. Layunin nitong ihanda ang mga community volunteers na tutulong sa paaralan.

Sa pagsusuri, natuklasan ng grupo ang ilang suliraning kinakaharap ng paaralan, tulad ng kakulangan sa mga guro at mga gamit pang-eskwela. Bukod dito, napag-alamang ginagamit ng mga high school students ang lumang gusali ng elementarya dahil sa kakulangan ng maayos na pasilidad.

Bilang tugon, bumalik ang grupo noong ika-4 ng Marso, upang mamahagi ng mahahalagang gamit pang-edukasyon. Namigay sila ng 100 backpacks na may lamang learner kits para sa mga mag-aaral ng Grade 7 at Grade 8. Nagbigay rin sila ng isang laptop, isang watawat ng BARMM, isang printer, isang wall clock, anim na reams ng bond paper, at isang wall fan upang suportahan ang operasyon ng paaralan. Dagdag pa rito, 254 na libro ang ipinamigay sa 34 estudyante upang makatulong sa kanilang pag-aaral.

Sa pamumuno ni Minister Iqbal, nananatiling matatag ang MBHTE sa adhikaing “no one is left behind” sa pagkamit ng de-kalidad na edukasyon. Patuloy na sinusuportahan ang edukasyon kahit pa sa mga liblib na lugar kabilang na dito ang AKAP Bangsamoro Program. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MSSD-BARMM, Partner Stakeholders ink BAA No. 62 Implementing Rules and Regulations of Rights of Internally Displaced Persons
Next post MAFAR Nagbigay ng 50 na Baka sa MILF Combatants’ Cooperative sa Tawi-Tawi