
OFL, Nagbigay ng P1.5M na Pondo para sa Mas Malawak na Serbisyong Pangkalusugan sa BARMM

COTABATO CITY (Ika-11 ng Pebrero, 2025)—Matagumpay na isinagawa ng Office of the Floor Leader (OFL) Atty. Sha Elijah B. Sumama-Alba ang Turnover Ceremony ng mga tsekeng nagkakahalaga ng PhP1 milyon at PhP500,000 sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa ilalim ng Medical Outreach Program Fund noong ika-8 ng Pebrero.
Sa parehong okasyon, inanunsyo rin ang pagpapalit ng pangalan ng dating Medical Outreach Program (MOP) ng Ministry of Health (MOH) sa mas pinalakas na Bangsamoro Health Outreach Program for Everyone (BHOPE) isang mas matibay na pangako sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa Bangsamoro.
Malaki ang magiging papel ng pondong ito sa pagpapalakas ng kakayahan ng CRMC upang magbigay ng dekalidad at mas episyenteng serbisyong medikal para sa mamamayang Bangsamoro. Patunay ito sa walang sawang adbokasiya ni Atty. Lai sa pagpapalakas ng serbisyong medikal at panlipunan sa BARMM, upang matiyak na walang Bangsamoro ang maiiwan pagdating sa pangangalagang pangkalusugan.
Nagpahayag rin ng taos-pusong pasasalamat sina Atty. Lai at ang OFL team kina Dr. Aneza Maglangit at Dr. Ishmael Dimaren sa pagbibigay ng pagkakataon na idaos ang programa sa CRMC Cancer Institute Auditorium. Pinasalamatan din nila si Boirolla Pendong at ang CRMC Finance team sa kanilang suporta upang maging matagumpay ang inisyatibong ito. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)