Kalagayan ng Early Childhood Education sa Tawi-Tawi, Sinuri ng MSSD

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-10 ng Pebrero, 2025) — Bilang bahagi ng patuloy na pagpapabuti ng early childhood education sa Bangsamoro, ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pamamagitan ng Tandubas Unit Office ng Tawi-Tawi ay nagsagawa ng Early Childhood Care and Development (ECCD) assessment sa limang Child Development Centers (CDCs) noong ika-5 ng Pebrero sa nasabing bayan.

Kabilang sa mga sinuri ng MSSD ang mga CDCs sa Kepeng, Sallangan, Sapa, Tangngah, at Sibakloon upang matukoy ang antas ng pag-unlad ng mga batang mag-aaral, kalagayan ng pasilidad, at kalidad ng programang pang-edukasyon na layunin nitong palakasin ang maagang edukasyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga hamon at pagpapalakas ng pamamaraan ng pagtuturo.

Ang nasabing assessment ay pinangunahan ni Project Development Officer (PDO) Sharmina Julkarnain, kasama ang Barangay Assessment Team at si Tadzmir Hamdain, na kumakatawan sa Local Government Unit (LGU) bilang focal person ng Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA).

Bukod sa isinagawang assessment, nagsagawa rin ang MSSD ng oryentasyon para sa Child Development Workers (CDWs) upang palawakin ang kanilang kaalaman sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon at pangangalaga sa mga batang mag-aaral.

Samantala, ang mga resulta ng pagsusuri ay ang magiging batayan sa pagsasagawa ng mga reporma at pagpapalakas ng ECCD sa Tandubas, na kung saan bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng Bangsamoro Government upang matiyak na ang bawat batang Bangsamoro ay may access sa maayos, ligtas, at dekalidad na maagang edukasyon.

Patuloy naman ang pagsisikap ang MSSD na mapalakas ang ECCD programs sa buong rehiyon, upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga kabataang Bangsamoro. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post ICRC naging tulay sa pagpapalaya sa tatlong Israeli na bihag ng Hamas at 174 na detenidong Palestino
Next post CCSTC Nagsagawa ng Pag-aanunsyo ng BASE at BASE-Merit Scholarship sa Lungsod ng Cotabato