BHRC-BARMM Nanawagan ng Hustisya sa Pagsalakay ng mga Armado sa Tahanan ni BHRC Commissioner Buaya
COTABATO CITY (Ika-11 ng Oktubre, 2024) — Isang pag-atake ang naganap sa tahanan ni Commissioner Archie U. Buaya ng Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagitan ng alas-nuebe at alas-dyes kagabi, araw ng Huwebes ika-10 ng Oktubre sa Labungan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Pinaputukan ng mga armadong lalaki ang kanyang Bahay na ikinasugat ng isa sa kanyang mga security personnel na kinilalang si John Debang na may malubhang tama ng bala sa ulo at kasalukuyang nagpapagamot sa isang lokal na ospital.
Sa ulat ng BHRC-Maguindanao del Sur, sa oras ng insidente, si Commissioner Buaya ay nasa opisyal na travel at nakaabot narin sa kanyang kaalaman ng nasabing pamamaril.
Matatandaang isang insidente din ang nangyari sa tahanan ni Ben Aguil, isa sa staff member ng BHRC sa Maguindanao del Sur, na hindi kalayuan sa tahanan ni Buaya. Si Aguil ay nasa loob ng bahay nang mangyari ang pag-atake at nakaligtas naman ito nang walang pinsala.
Kaugnay nito, ang BHRC ay naglabas ng pahayag sa mga insidenteng ito, na nagpapakita ng kanilang pag-aalala sa pagtaas ng karahasan laban sa mga miyembro nito.
“The BHRC expresses deep concern over these violent attacks and the threat to the lives and properties of its members,” pahayag pa ng BHRC.
Nanawagan din sila sa mga awtoridad na isagawa ang isang masusing imbestigasyon upang mapanagot sa batas ang mga salarin at bigyan ng seguridad ng kanilang mga miyembro.
“The Commission urges law enforcement agencies to promptly conduct a thorough investigation to bring the perpetrators to justice,” panawagan ng BHRC.
Ayon din sa BHRC, mahalaga ang pagkakaroon ng ligtas na kapaligiran para sa mga human rights defenders upang maipagpatuloy nila ang kanilang misyon ng pagsusulong ng karapatan at katarungan.
“The safety and security of human rights defenders must be prioritized, and the BHRC calls on the public and government authorities to ensure protection for its staff and officials,” dagdag pa sa statement ng BHRC. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)