MSSD Namahagi ng Tulong Pinansyal sa mga Ulilang Bata sa South Ubian, Tawi-Tawi at Honorarium sa Child Development Workers sa Sibutu

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-1 ng Oktubre, 2024) — Nagsagawa ang Ministry of Social Services and Development (MSSD), sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare Office ng South Ubian mula sa Lalawigan ng Tawi-Tawi, ng pamamahagi ng tulong pinansyal sa 16 na batang ulila na nasa ilalim ng kanilang case management program noong ika-28 ng Setyembre.

Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP15,000 na katumbas sa tatlong buwan na subsidiya. Bago ang pamamahagi ng cash assistance, isinailalim muna ang mga benepisyaryo sa masusing pagsusuri at case management ng mga social worker upang matiyak ang tamang datos.

Ang tulong pinansyal na ito ay bahagi ng Kupkop Program ng MSSD, na naglalayong matulungan ang mga ulilang bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at iba pang pangunahing gastusin.

Bukod sa tulong pinansyal, nagbibigay din ang MSSD ng iba pang kinakailangang tulong upang matiyak na ang mga ulilang bata ay may sapat na nutrisyon, may akses sa edukasyon, malusog na pamumuhay, at maayos na kalinga.

Patuloy na nagsusumikap ang MSSD na mabigyan ng maayos na kinabukasan ang mga batang nasa ilalim ng kanilang pangangalaga sa pamamagitan ng mga programa, tulad ng Kupkop, na nakatuon sa pag-aangat ng antas ng kanilang pamumuhay.

Samantala, namahagi rin ang MSSD, sa pamamagitan ng kanilang Tawi-Tawi provincial office ng honorarium sa 33 child development workers (CDWs) sa bayan ng Sibutu mula ika-20 hanggang ika-24 ng Setyembre.

Bawat CDW ay tumanggap ng PhP12,000 na honorarium bilang kabayaran sa kanilang tatlong-buwang serbisyo para sa taong 2024. Ang pagbibigay ng honorarium sa mga CDW ay bahagi ng Early Childhood Care Development (ECCD) program ng MSSD, na ipinatutupad sa ilalim ng Children and Youth Welfare Development Program (CYWP).

Ang mga CDW ay may mahalagang tungkulin sa pagbibigay ng pangunahing pangangailangan, suporta, at gabay sa edukasyon ng mga bata sa Community Development Centers (CDCs) at Supervised Neighborhood Plays (SNPs). Mahalaga ang kanilang papel sa pagtitiyak ng kabuuang kagalingan at maayos na pag-unlad ng mga batang nasa kanilang pangangalaga.

Sa pamamagitan ng mga aktibidad sa pagkatuto at pagpapalakas ng kasanayan sa pakikisalamuha, nagagampanan ng bawat CDW ang mahalagang papel sa paglikha ng isang mapagkalingang kapaligiran na nagtataguyod ng holistic development ng mga bata. Nakikipag-ugnayan din ang MSSD sa mga magulang at tagapag-alaga upang mapabuti ang kanilang kakayahan sa pag-aalaga at upang palakasin ang partisipasyon ng pamilya sa pag-unlad ng bata. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MOST-BARMM, CFSI Nagsagawa ng Pagsasanay sa Kaligtasan sa Pagkain at Halal Awareness para sa MILF Camps
Next post BTA Parliament Pinagtibay ang Pagbuo ng Kutawato Province sa SGA