Diplomats mula Turkish, Nakiisa sa Pagsulong ng Edukasyon sa Bangsamoro

COTABATO CITY (Ika-27 ng Setyembre, 2024)— Isang mahalagang courtesy visit ang isinagawa ng mga delegado mula sa iba’t ibang organisasyon at institusyon ng Turkish government. Una rito ay ang pagbisita sa tanggapan ni Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang Chief Advisor to the President of Türkiye, Israfil Kisla at Deputy Minister for National Education, Nasif Yilmaz, na sinamahan ng Ambassador of the Republic of Türkiye to the Philippines Nivazi Erran Aykol nitong Huwebes, ika-26 ng Setyembre.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng BMN/BangsamoroToday, ang talakayan ay nakasentro sa Bangsamoro history sa paghahanap nito para sa karapatan sa sariling pagpapasya at kung paano ipagpatuloy ang mga tagumpay ng prosesong pangkapayapaan.

Ipinarating din ng delegado ang kanilang pormal na imbitasyon sa Punong Ministro na dumalo sa ceremonial groundbreaking ng gusali ng paaralan ng Bangsamoro-Turkish Educational Academy, Inc. sa Bangsamoro Autonomous Region.

(Litrato mula sa Office of the Chief Minister Ahod B. Ebrahim Facebook Page)

Nakipagpulong din kay Minister Mohagher Iqbal ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ang grupo ni Chief Advisor to the President of Türkiye, Israfil Kisla at tinalakay ng magkabilang panig ang mga pangunahing suliranin na kinakaharap ng edukasyon sa rehiyon. Pinagtuunan ng pansin ang mga kakulangan sa pagsasanay ng mga guro at mga kinakailangang materyales sa edukasyon.

Ipinahayag din ni Minister Iqbal ang kanyang panawagan para sa mas maraming kwalipikadong mga guro at mga programa sa pagsasanay upang mapataas ang antas ng edukasyon sa Bangsamoro. Ayon kay Minister Iqbal, mahalaga ang patuloy na suporta mula sa mga kaalyadong bansa gaya ng Turkiya upang makamit ang mas mataas na kalidad ng edukasyon.

Samantala, nagpakita ng buong suporta ang mga delegado ng Turkiya sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga programang pang-kolaborasyon, partikular na sa larangan ng pagsasanay ng mga guro. Ayon sa kanila, handa silang makipagtulungan sa sektor ng edukasyon sa Bangsamoro upang makapagbigay ng karagdagang kaalaman at kakayahan para sa mga guro sa rehiyon.

Kabilang sa delegasyon ng Turkish government ang kinatawan mula sa Insan Vakfi, UHUB Association, Sasa Vakfi, Hayrat Foundation, Deniz Feneri Association, Cansuyu Association, Ribat Association, at mga miyembro ng media TRT Muhabir, Kanal 7, at Anadolu Ajasi. (Hasna U. Bacol at Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 632 Pamilyang Apektado ng Baha sa Talayan, Maguindanao del Sur, Nabigyan ng Tulong ng MSSD at 186 PWD sa Tawi-Tawi Sumailalim sa Pagsusuri para sa Mga Assistive Devices
Next post 90 Pamilya sa Lanao del Sur, Tumanggap ng Bigas mula sa Project TABANG