632 Pamilyang Apektado ng Baha sa Talayan, Maguindanao del Sur, Nabigyan ng Tulong ng MSSD at 186 PWD sa Tawi-Tawi Sumailalim sa Pagsusuri para sa Mga Assistive Devices

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-26 ng Setyembre, 2024) — Umabot sa 632 pamilyang naapektuhan ng baha sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur, ang nabigyan ng tulong ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) noong ika-23 ng Setyembre.

Bawat pamilya ay nakatanggap ng 25 kilo ng bigas at food packs na may lamang iba’t ibang de-latang pagkain at instant na kape. Ang ayuda ay bahagi ng Emergency Relief Assistance Program ng Disaster Response Management Division ng MSSD.

Ang pamamahagi ng tulong ay isinagawa ng mga field workers ng MSSD mula sa Municipal Social Welfare Office ng Talayan, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Talayan at mga barangay local government units.

Ang hakbang na ito ay naglalayong matugunan ang agarang pangangailangan ng mga pamilyang nasalanta ng baha at patuloy na suportahan ang kanilang kaligtasan at kapakanan habang sila’y bumabangon mula sa kalamidad.

Samantala, nagsagawa rin ang Ministry of Social Services and Development, sa pamamagitan ng Older Person and Persons with Disabilities Program (OPPDP) at sa pakikipagtulungan ng Davao Jubilee Foundation Inc. (DJF), ay nagsagawa ng serye ng pagsusuri para sa 186 na katao na may kapansanan (PWDs) mula ika-20 hanggang ika-22 ng Setyembre sa mga bayan ng Bongao, Panglima Sugala, at Simunul, Tawi-Tawi.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng paghahanda para sa pagbibigay ng mga personalized na assistive devices tulad ng prosthesis, orthosis, spinal bracing, hearing aids, at customized wheelchairs. Sa kabuuang bilang ng mga sinuri, 12 ang kwalipikado para sa prostheses, 14 para sa orthoses, 27 para sa customized wheelchairs, at 10 naman para sa iba pang mobility aids at 28 indibidwal ang na-refer para sa karagdagang medical consultations dahil sa mga kondisyon tulad ng impeksyon sa tainga at pangangailangang i-monitor ang blood sugar at blood pressure.

Sa aspeto ng suporta sa pandinig, 95 katao ang sumailalim sa hearing screening, at 27 sa kanila ang agad na nabigyan ng hearing aids. Kabuuang 31 hearing aids ang naipamahagi, dahil ang ilan sa mga benepisyaryo, lalo na ang mga bata, ay nakatanggap para sa parehong tainga.

Ang mga natukoy na kailangan ng orthoses at prostheses ay bibiyahe mula Tawi-Tawi patungong Davao para sa fitting, pamamahagi ng mga device, at rehabilitasyon. Ang mga customized wheelchairs naman ay ipagkakaloob ng DJF at ide-deliver sa Tawi-Tawi, kung saan tuturuan ang mga benepisyaryo kung paano gamitin nang wasto ang kanilang mga wheelchairs. Ang iba pang assistive devices ay ipagkakaloob ng MSSD. Ang mga referral ay iko-coordinate sa mga doktor para sa masusing pagsusuri sa kalusugan.

Ayon kay MSSD Minister Atty. Raissa H. Jajurie, patuloy ang suporta ng ahensya sa mga taong may kapansanan sa rehiyon, binibigyan sila ng pagkakataong maging bahagi ng isang inklusibo at pantay na lipunan.

Isa sa mga benepisyaryo, si Maring Abiqatada, isang guro ng Islamic at Arabic language, ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa MSSD.

Ang proyekto ay bunga ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng MSSD at Davao Jubilee Foundation Inc., na nilagdaan noong ika-17 ng Hulyo sa Cotabato City. Ang DJF ang responsable sa pagsusuri, pamamahagi, at pagbibigay ng assistive devices. Sakop ng MSSD ang 65% ng mga gastos, habang ang DJF ay naglalaan ng 35%, kasama ang tirahan at pagkain ng mga benepisyaryo sa kanilang rehabilitasyon sa Davao. Buong sagot din ng MSSD ang gastos sa mga hearing aids.

Nagbigay din ng suporta ang Provincial Government ng Tawi-Tawi, sa pamumuno ni Governor Mang Sali, sa pamamagitan ng pagbibigay ng travel tickets, pocket money, at tulong sa mga pamilya ng mga benepisyaryo.

Dinaluhan ng mga opisyal mula sa MSSD, DJF, at mga lokal na pamahalaan ang tatlong araw na aktibidad, kabilang sina Jaymar Sali, focal person para sa Older Persons and Persons with Disabilities ng MSSD; Hadja Belinda C. Adil, Provincial Social Welfare Officer ng MSSD Tawi-Tawi; Cheryl Arellano, Executive Director ng DJF; Panglima Sugala Vice Mayor Dayang Sahali; at Simunul Municipal Administrator Nagum Salipud (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Office for Other Bangsamoro Communities, Nagsagawa ng Mapping and Needs Assessment
Next post Diplomats mula Turkish, Nakiisa sa Pagsulong ng Edukasyon sa Bangsamoro