OIC Mayors ng SGA-BARMM Dumalo sa Work and Financial Plan Workshop
COTABATO CITY (Ika-10 ng Setyembre, 2024) — Pinangunahan ng Special Geographic Area Development Authority (SGADA), SGA Field Office (SGAFO), at Special Development Fund BIRD PMO (SDF BIRD PMO) ang isang Work and Financial Plan (WFP) Preparation Workshop noong ika-5 hanggang ika-6 ng Setyembre, sa Blue Palm Mountain Resort, Sitio Abacanhan, Barangay Cabayuran, North Cotabato.
Sa impormasyon ng BMN/BangsamoroToday, dumalo sa nasabing workshop ang walong OIC mayor, OIC vice mayor, at ang kanilang mga staff mula sa mga bagong tatag na munisipalidad sa Special Geographic Area (SGA).
Dagdag pa a ulat na layunin ng pagtitipon na ito na ipaliwanag ang mga plano sa pananalapi ng mga lider, pati na rin ang mga posibleng mapagkukunan ng pondo para maisakatuparan ang kanilang mga adhikain para sa kani-kanilang munisipalidad.
Pinangunahan ni Director Nordjiana L. Dipatuan-Ducol, DPA ng SDF BIRD PMO ang nasabing aktibidad, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga bagong lider upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Samantala, binigyang-pansin ni MILG Minister at Member of Parliament Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba ang papel ng mga bagong halal na lider sa pagtahak ng direksyon ng kanilang mga munisipalidad. Ani Dumama-Alba, ito ay unang hakbang upang makuha ng mga lider ang Special Allotment Release Order (SARO) mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at bilang bahagi ng pagkilala sa kanilang posisyon.
“We at the BARMM are in full support of your cause for the Bangsamoro people,” MP Atty. Dumama-Alba underscored. “Legacy ng BARMM ang pagkakabuo sa inyo at anak kayo ng BARMM, kaya kayo ay aalagan namin na parang anak,” dagdag pa niya.
Ang nasabing workshop ay naging mahalagang hakbang upang bigyang-linaw ang mga responsibilidad at mga proseso ng pamamahala ng pondo, na magsisilbing gabay sa mga bagong lider ng SGA sa kanilang pamumuno. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)