MBHTE nag Turnover ng Bagong Gusali ng Paaralan sa Lamitan City at Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte
COTABATO CITY (Ika-9 ng Setyembre, 2024 — Matagumpay na isinagawa ang turnover ceremony ng bagong itinayong gusali na may isang palapag at dalawang silid-aralan sa Lo-ok National High School na matatagpuan sa Brgy. Lo-ok, Lamitan City, Basilan noong ika-4 ng Setyembre.
Ang proyekto ay pinondohan sa pamamagitan ng Special Development Fund (SDF) 2021, na may kabuuang halaga na PhP4,892,366.65. Isinagawa ito bilang bahagi ng patuloy na pagtutok ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) sa pagpapabuti ng mga pasilidad pang-edukasyon sa rehiyon.
Sa pamumuno ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal, tiniyak na ang mga bagong gusali ay sumusunod sa mahigpit na pamantayan ng kalidad upang mapalakas ang tibay at katatagan ng mga istruktura. Ang hakbang na ito ay patunay ng pangako ng Ministry na magbigay ng ligtas at matibay na mga silid-aralan para sa mga mag-aaral sa buong rehiyon.
Samantala, isinagawa rin ng MBHTE ang isang turnover ceremony sa Kurintem Elementary School, Barangay Kurintem, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong ika-5 ng Setyembre, upang ipagdiwang ang pagkumpleto ng bagong dalawang-palapag na gusali na may apat na silid-aralan.
Ang proyektong ito ay pinondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB) 2023, na may kabuuang halagang PhP10,110,000.00. Ang bagong gusali ay magsisilbing karagdagang pasilidad upang mas mapalawak at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa lugar.
Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa patuloy na dedikasyon ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education na tiyaking walang mag-aaral sa Bangsamoro ang maiiwan. Dagdag pa ng MBHTE na ang proyektong ito ay bahagi ng layunin na mabigyan ng dekalidad at ligtas na mga pasilidad ang mga mag-aaral sa rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)