Pagdagsa ng supporters sa Sulu Provincial Assembly ng UBJP, pinasalamatan ni UBJP President Ebrahim
COTABATO CITY (Ika-29 ng Hulyo, 2024) — Pinuri ni Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim ang tagumpay ng assembly at ang suporta ng mga Tausug sa kanilang layunin para sa inklusibong gobyerno na magpapabuti sa buhay ng bawat Bangsamoro sa isinagawang asembleya kahapon, ika-28 ng Hulyo sa Jolo, Sulu.
“Ako ay nagagalak na makasama ang mga kapatid naming Tausug dito sa Sulu, ang pagtitipon na ito ay isang mahalagang hakbang para sa ating kolektibong layunin sa pagpapalakas ng ating pamahalaan at pag-papaunlad ng buhay sa Bangsamoro,” ani UBJP President Ebrahim.
Ibinahagi din nito ang mga nakamit ng UBJP sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula nang siya ay umupo sa puwesto. Sa kanyang pag-iikot, nakipag-ugnayan siya sa mahigit 500,000 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at UBJP sa mga pangunahing rehiyon. Lahat sila ay nagtaguyod ng patuloy na reporma at pagbabago sa Bangsamoro.
Sa Sulu, iniulat ni UBJP President Ebrahim ang matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastraktura, tulad ng 27 Barangay halls na naipamahagi at 9 pang Barangay halls na ipamimigay.
Binanggit din niya ang pagtatayo ng isang fire station at water supply desalination project, pati na ang ongoing construction ng Provincial Emergency Operation Center at ang Indanan Public Market ay opisyal na bubuksan, na inaasahang makakatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Mula 2020-2024, naglaan ang gobyerno ng mahigit 11 bilyong piso para sa mga proyekto sa Sulu, kasama ang mga tulay, drainage, ports, at road networks. Nakapag-tayo rin sila ng 2,618 kilometers ng mga kalsada at 190 bridges. Ang mga proyekto sa Sulu ay bahagi ng layunin ng UBJP na iangat ang kabuhayan ng bawat Bangsamoro sa pamamagitan ng mga konkretong hakbang at makabagong serbisyo.
Tiniyak ni UBJP President Ebrahim na ang mga natapos at nasimulan sa transition period ay hindi lamang para sa MILF o sa kanya, kundi para sa lahat ng Bangsamoro. “Ang pagkakaroon ng assembly dito sa Sulu ay patunay ng aming seryosong paglahok sa kauna-unahang parliamentary election sa BARMM,” aniya. “Kaisa tayo sa panawagan para sa malinis at tapat na eleksyon sa 2025,” dagdag pa nito.
Sibabi din ni UBJP President Ebrahim na ang UBJP ay opisyal nang rehiyonal na political party na lalahok sa halalan sa 2025. Nagpasalamat siya sa suporta ng mga miyembro at nagbigay-diin sa kanilang pangako na magpatuloy sa pagsusulong ng inklusibong gobyerno.
“Dalangin ko kay Allah SWT na gabayan tayo sa ating patuloy na hangarin para sa isang mapayapa at maunlad na Sulu at progresibong Bangsamoro,” pagtatapos ni UBJP President Ebrahim. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)