UBJP Vice President Iqbal, Tinalakay ang Plataporma at mga Layunin ng Partido sa Provincial Assembly ng Sulu

Pagdating ni UBJP Vice President for Central Mindanao sa Jolo, Sulu ay agad itong nakipagpulong sa kanyang mga kasama sa MILF political party. (Litrato mula sa UBJP Regional Headquarters)

COTABATO CITY (Ika-29 ng Hulyo, 2024) — Sa mensahe ni United Bangsamoro Justice Party (UBJP) at para sa Central Mindanao Mohagher M. Iqbal, ibinahagi nito ang mga plataporma at mga layunin ng partido sa Provincial Assembly sa Sulu kahapon, sa pamamagitan ng isang makasaysayang mensahe na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng probinsya sa pagbuo ng kasaysayan at sa kasalukuyang estado ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Inilarawan ni UBJP Vice President Iqbal, ang Sulu na isang probinsya na mayaman sa kasaysayan, kabilang ang pagiging unang tumanggap ng Islam noong 1380 sa Simunul, na mas naunang dumating kumpara sa Cotabato na noong 1475 lamang nakarating ang Islam sa mainland Mindanao. Binanggit din niya ang maagang pagtatatag ng Sultanate of Sulu bilang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Bangsamoro hanggang sa makarating ito sa mainland.

Kanya ring binalikan ang pakikipaglaban ng Moro sa mga banyaga, kung saan inilahad nito ang katapangan ng mga Tausug, na mas matapang kumpara sa ibang tribo, pumapangalawa lang umano ang Maguindanao at Lanao dahil sa “Perang Sabil” o “Holy war to uphold Islam” ng mga Tausug, kaya’t tinaguriang “Huramentados” ng mga Espanyol ang mga Tausug. At sa kasaysayan naman ng Moro at Amerikano, ayon pa sa kanya, “Sa pagitan ng Moro at saka ng Amerikano, ang sabi ng Amerikano, the only good Moro is the dead Moro, kasi hangga’t buhay pa yan, lalaban pa yan.” Kaya dito daw naimbento ng mga Amerikano ang .45 caliber pistol dahil ang mga Moro anya ay hindi kayang itumba ng unang service firearm na .38 revolver ng mga Kano.

Samantala, isinulong ni Iqbal ang tatlong pangunahing layunin ng assembly: una, ang pagbuo ng Provincial Assembly; pangalawa, ang pagpapakilala at paglilinaw ng layunin ng UBJP; at pangatlo, ang pagtalakay sa kasalukuyang kalagayan ng BARMM. Ayon sa kanya, ang pagtitipon ay nagsisilbing pagkakataon upang mas maipaliwanag ang plataporma ng UBJP at mapag-usapan ang mga isyu na nakakaapekto sa rehiyon.

Pinuri din nito ang aktibong pagdalo ng mga residente sa assembly at nagpasalamat sa mga lider at sa Allah sa kanilang suporta. Binanggit din niya ang mga napakahalagang bagay nakamit sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL) , na itinuring niyang produkto ng matinding sakripisyo, at hindi isang simpleng regalo mula sa gobyerno.

Ipinunto din nito ang ilang pangunahing plataporma ng UBJP, ang pagkakaroon ng patas na eleksyon, maayos na paghahatid ng pampublikong serbisyo, empowerment ng mga mamamayan, at Moral Governance na nagbibigay ng katarungan sa bawat aspeto ng pamumuhay.

“We discuss our plataporma and let the people vote freely and count their vote”, “Sa election laging sinasabi ko, matalo ka manalo ka, ang importante ang lalabas ay yung kagustuhan ng taong bayan,” punto pa ni Iqbal.

Residente ng ibat’ ibang munisipyo ng Sulu na supporters ng UBJP dumagsa sa Provincial Assembly ng MILF political Party nitong Linggo July 28, 2024 sa Notre Dame of Jolo College. (Litrato mula sa UBJP Regional Headquarters)

Binigyang-diin niya na ang layunin ng UBJP na tiyakin ang tunay na awtonomiya sa pamamagitan ng demokratikong proseso, sa halip na sa pamamagitan ng digmaan.

“Ang peoples empowerment, ibig sabihin ang binibigyan natin ng lakas ay yung taong bayan hindi isang tao, hindi isang pamilya kasi ang pinaka importante dito sino ang pinaka magaling ay sino ang pinaka competent, sino ang matuwid at kung sino ang gusto ng taong bayan kailangan yun ang mamuno sa atin.”

Ang provincial assembly ng UBJP sa Sulu na umabot sa isang-daan libong (100,000) tao mula sa Sulu ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng UBJP na iangat ang pamumuhay sa rehiyon at tiyakin ang wastong implementasyon ng mga polisiya at proyekto para sa kapakanan ng Bangsamoro. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MOST Nagsagawa ng Project Assessment sa mga Benepisyaryo ng Paaralan sa Cotabato City
Next post Pagdagsa ng supporters sa Sulu Provincial Assembly ng UBJP, pinasalamatan ni UBJP President Ebrahim