Paglunsad ng Pilot Public Madrasah sa BARMM, Pag-abot sa Bagong Antas ng Edukasyon
COTABATO CITY (Ika-27 ng Hulyo, 2024) — Sa pangunguna ni Minister Mohagher M. Iqbal, ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), ay opisyal nang inilunsad ang kauna-unahang Pilot Public Madrasah ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Bangsamoro Stand Alone Senior High School, Barangay Balabaran, Lungsod ng Cotabato araw ng Biyernes, ika-26 ng Hulyo.
Ang pagbubukas ng Pilot Public Madrasah sa loob ng pangangasiwa ng Madaris Education ng MBHTE sa pamumuno ni DG for Madaris Education Tahir G. Nalg, MAIS ay layong magbigay ng de-kalidad at accessible na edukasyon sa mga kabataan ng BARMM at iangat ang antas ng edukasyon sa rehiyon. Ang madrasah ay magsusulong ng balanseng kurikulum na pinagsasama ang Tahderiyyah Curriculum para sa Kinder, Islamic Studies at Arabic Language (ISAL), at DepEd National Curriculum Matatag at K to 12.
Sa mensahe ni Minister Iqbal, ay nagbigay ito ng pananaw patungkol sa pagsasama ng tradisyunal na Islamic education sa modernong edukasyon. “Ang mga pampublikong madrasah ay hindi lamang nagtataguyod ng mga aral ng Islam, kundi nagbibigay din ng kalidad na edukasyon na maaaring makipagsabayan sa ibang sistema ng edukasyon.”
Dagdag pa nito, “We have to explain to our learners, ang point of view ng Islam, lahat tayo ay ginawa po ng Diyos, so by that, ma-Islamize po natin yung Public Madrasah natin.”
Ayon din kay Minister Iqbal, “Dito sa Pilipinas ay may freedom of religion, kung ano ang gusto mong religion yun ang sayo, at kahit sa Islam ganun din naman eh, in Islam there is no compulsion in religion… kung yan ang paniniwala mo irerespeto kita, kung ito ang paniniwala ko irespeto mo ako.”
Kabilang ang Islamic subjects sa paaralang ito ang Qur’an, Seerah (life of the Prophet), Hadith (Prophetic narrations), Aqeedah (Islamic creed), Fiqh (Islamic jurisprudence), at Arabic Language.
Kasabay nito ay pormal din na ipinakilala ni Schools Division Superintendent ng Cotabato City Concepcion F. Balawag, PhD, CESO V, si Monawara G. Salik, MAED bilang Teacher-in-Charge ng Pilot Public Madrasah sa Cotabato City.
Ang nasabing proyekto ay nagpapakita ng pagsisikap ng BARMM na magbigay ng makabuluhang kontribusyon sa edukasyon, na umaasang maghahatid ng mas mataas na kalidad ng buhay sa pamamagitan ng holistic na pag-unlad ng mga kabataan at pag-aambag sa pangkalahatang layunin ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Ang pagtatag ng BARMM sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ay nangangahulugang pagsusumikap na tugunan ang mga historical grievances at itaguyod ang sariling pamamahala, kabilang sa larangan ng edukasyon. Ang mga public madrasah ay may mahalagang papel sa pagpapalakas ng kabataang Bangsamoro sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman at kasanayan na akma sa kanilang kultural na konteksto at nakakatulong sa kanilang personal at propesyonal na pag-unlad. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)