Chief Minister Ebrahim, ipununto ang Kahalagahan ng “MILF-UBJP Lead” sa BARMM Regular Bangsamoro Gov’t.
COTABATO CITY (Ika-19 ng Hulyo, 2024) — Sa ginanap na United Bangsamoro Justice Party (UBJP) General Assembly at Consultative Meeting kahapon, araw ng Huwebes, ika-18 ng Hulyo sa Malababang, Lanao Del Sur, sa harap ng mga tagasuporta at mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nagbigay ng makabuluhang mensahe si Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim, ang Chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Pangulo ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kasalukuyang pamumuno ng MILF sa BARMM, lalo na sa pagharap sa mga hamon at pagpapatupad ng mga kasunduan sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan ng Pilipinas.
“We have been leading this struggle for how many decades, nagkaroon tayo ng isang gobyerno and we also lead the government pero ang pag lead namin sa gobyerno at sa struggle natin ay hindi kayo ang nagbigay ng judgement sa amin pero ngayon this is the first time na kayo ang magiging judge, kayo na karamihan ng Bangsamoro ay kayo ang magiging judge kung gusto ba ninyo na mapanatili ang leadership ng MILF dito sa pamumuno sa ating gobyernong BARMM,” ani Chief Minister Ebrahim.
Ipinaliwanag din ni Chief Minister Ebrahim ang kahalagahan ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOAAD) na naging batayan ng pagtatag ng BARMM. Bagaman marami na ang naipatupad sa Political Track, ay malaking hamon pa rin ang Normalization Track kung saan naglalayon itong ibalik sa normal ang buhay ng mga lumaban at nag-sakripisyo, partikular ang mga combatant.
“Hanggang ngayon, hindi pa natin naaabot ang kalahati ng Normalization Track,” dagdag ni Chief Minister Ebrahim.
Binigyang-diin din nito ang konsepto ng moral governance, na nakabatay sa mga utos ng Allah at naglalayong maghatid ng kabutihan para sa lahat, Muslim man o Kristiyano. “Ang ating pamahalaan ay nagtataguyod ng moral governance… Ito ang unang pagkakataon na mayroon tayong gobyerno na nag-a’advocate ng moral governance,” punto pa nito.
Nagpahayag din ito ng kanyang panawagan sa darating na 2025 election, kung saan hinikayat niya ang mga Bangsamoro na ipakita ang kanilang suporta sa UBJP. “Kung sa inyong tingin ay kailangan pa rin ang pamumuno ng MILF sa BARMM, ipinapakiusap namin na ipakita ninyo ito sa darating na halalan sa 2025,” pakiusap ni Chief Minister Ebrahim.
Ayon pa kay Chief Minister Ebrahim, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay sumusuporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa BARMM. Anya, “Sinasabi ni Pangulong Marcos na kailangan pa rin na kayo ay nandyan sa Parliament, BARMM kasi kailangan natin ang Peace and Order dito sa atin para ma-continue ang Peace and Order.”
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinaabot ni Ebrahim ang kanyang pasasalamat sa mga mamamayan at hinimok ang lahat na magkaisa para sa patuloy na kaunlaran at kapayapaan sa BARMM.
“Mga kapatid, mga lukes nami, mga wata nami, nya sa lekanu, nan sa lima nu saguna su desisyon sa kanu gobyerno tanu a Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, amayka ya nu nasisita e makatalus pamun su mga serbisyo a kagedam nu a mga mapya na pamikali nu e mapananggit su UBJP sa mawma nya a Election 2025 inshaalah, Allahuakbar, Allahuakbar, Allahuakbar.” (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)