1,000 pamilyang apektado ng El Niño sa Cotabato City, tumanggap ng ayuda hatid ng MSDD
COTABATO CITY (Ika-6 ng Hunyo, 2024) — Ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro government sa pamamagitan ng Disaster Response and Management Division (DRMD), ay namahagi ng rice subsidies at food packs sa 1,000 pamilya dito sa Lungsod na apektado ng El Niño. Ang pamamahagi ay isinagawa sa 10 barangay, kabilang ang Poblacion 1, 2, 3, 7, at 9, Rosary Heights 4, Tamontaka Mother Barangay, Tamontaka 3 at 5, at Bagua 1.
Ayon sa MSSD, ang bawat pamilya ay tumanggap ng 25 kilong bigas at mga food pack na naglalaman ng mga de-lata at instant coffee bilang bahagi ng Emergency Relief Assistance (ERA) program.
Layunin ng MSSD na mabigyan ng mabilis na tulong ang mga pamilyang nahihirapan dahil sa matinding tagtuyot na dala ng El Niño, na nagresulta sa kakulangan ng pagkain at tubig sa Cotabato City at sa buong Bangsamoro region.
Sinabi ni Sittie Inshirah Abdul, emergency preparedness and response officer, na ipagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa iba pang barangay ng Lungsod sa Hunyo 10-11, 2024. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)