Rido sa bayan ng Tugunan, SGA, Tinuldukan sa Tulong ng PSRO-BARMM
COTABATO CITY (Ika-20 ng Mayo, 2024) — Natuldukan na ang matagal nang alitan sa pagitan ng dalawang grupo sa Sitio Izap, Barangay Lagundi, bayan ng Tugunan sa Special Geographic Area-BARMM na dating naglalaban. Ang pagresolba ay pinangunahan ni BARMM Peace Security and Reconciliation Office (PSRO) sa pamumuno ni Regional Director Anwar Alamada.
Nagkasundo ang grupo ni Lagundi Barangay Chairman Sindatu Karim at Abdul Basit Nando, na kilala rin bilang Commander Abusabaya, isang Battalion Commander sa ilalim ng 118th Base Command.
Katuwang ng PSRO-BARMM sa pag-aayos ay sina MILF CCCH Chairman Butch Malang, Hadji Bayan Abdulrahman Maneged Abas ng 108th Base Command, Ustadh Abdulwahid Tundok Alhadj ng 118th Base Command, Sheikh Muhiddin Usman ng 105th Base Command, George Kasim ng NGF Field Guard Base Command, Commander Sabre Pandita, Brigade Commander Nor Ali Alamada, Commander Lemon Tree, Commander Norodin Pandita, at si Pikit Municipal Councilor Mama Kongkong.
Ayon kay MILF-AHJAG Chairman at PSRO RD Alamada, nagkasundo na sina Kapitan Karim at Abusabaya na kalimutan na ang alitan at ibalik ang magandang samahan ng kanilang mga pamilya dahil ang mga ito ay parehong magkalapit na magkakamag-anak.
Sa naganap na hidwaan, tatlo ang nasawi sa panig ni Commander Abusabaya habang dalawa naman ang nasawi sa panig ni Kapitan Karim.
Samantala, sinabi naman ni MILF CCCH Chairman Malang na ang kaso ni Abusabaya na naisampa sa korte ay hahawakan na ng tanggapan ng PSRO upang mapawalang bisa ito.
Sa pamamagitan ng pagsisikap ng iba’t ibang lider at mga kinatawan ng bawat pamilya ay muling bumalik ang kapayapaan at pagkakaisa sa Barangay Lagundi, isang patunay na ang diyalogo at pagkakasundo ay mahalaga para sa kapayapaan ng komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)